IKA-LIMANG LINGGO NG PAGKABUHAY A



ANG INYONG LINGKOD, BOW





Sa gitna ng pandemic ng corona virus, nakagugulat na nagtanong ang mga taga tv, radyo at social media: Nasaan ang Simbahan? Ano ang ginagawa ng Simbahang Katoliko?



Nakagugulat kasi wala namang nagtanong: Nasaan ang mga Protestante o Born-again? Ano ang ginagawa ng mga Iglesia ni Cristo? Anong tulong ang iniaabot ng mga Muslim?



Hindi. Isang pananampalataya lang ang hinanap nila – ang Katoliko! At hindi naman sila binigo ng Simbahan. Kahit ang daming naninira mula sa gobyerno, media, mga sekta at kulto, walang duda na sa buong mundo, ang pananampalatayang Katoliko ang may pinakamalaking naibigay na espirituwal at materyal na tulong sa mga tao.



Nasaan daw ang Simbahan? Ano ang ginawa nito sa pandemic? Kailangan lang po ay magbasa ng dyaryo o manood ng tv, mag-search sa Google o sa social media… matutuklasan mo dun ang sagot. Bahagi na ito ng kasaysayan ng tagpo ng corona virus sa buong mundo.



Mula sa Santo Papa hanggang sa mga pari, madre, misyonero, at mga lider-layko, nakita natin na ang mga kinatawan ng Simbahan ang nagbasbas ng mga tao, nagdiwang ng Misa at mga dasal – sa social media pa! – nagpakumpisal sa parking lot, dumalaw sa mga ospital, nagbigay ng counselling kahit sa telepono… ang facebook naging parokya, ang Google naging katedral…



Bukod dito, ang mga Catholic school naging tahanan ng mga palaboy sa kalsada, ang mga Catholic dormitories naman sa mga frontliners, nag-fund drive agad para makapagbigay ng medical supply at equipment, ng pagkain at gamot sa mga squatter at hikahos. Ginawa ito mula sa Italy hanggang USA, mula Africa hanggang Pilipinas.





Sa unang pagbasa (Gawa 6:1-7) ipinakita sa atin kung bakit ganito ang tugon ng Simbahan sa situwasyon at sa lahat ng tulad nito. Sabi ni San Pedro, ang pangunahing gawain ng Simbahan ay mangaral tungkol sa Pagkabuhay ni Kristo at magdasal para sa mga tao. Ito ang misyong espirituwal natin. Pero sabi niya may pananagutan din tayo sa mga dukha, tulad ng mga biyuda sa panahon nila, na kailangan ang materyal na tulong. Ito naman ang misyong pang-katawan o temporal natin.



Kaya ang misyon ng Simbahan, mula sa Panginoon, ay kumpleto: alagaan ang kaluluwa at kalingain ang katawan. Ang hindi gumawa nito ay taksil sa tiwala ng Panginoong Hesus.



Sa Mabuting Balita (Jn 14: 12) sinasabi ngayon ng Panginoon: “Ang naniniwala sa akin ay gagawa ng mga ginagawa ko.” Ano ba ang ginawa ni Hesus? Nangaral, nagdasal, nagbasbas. At nagpagaling, nagpakain, nagbigay alalay sa mga tao.



Kung ang SImbahan ay aktibo sa espirituwal at materyal na antas, bakit pa nagtatanong ang mga taong ito noong panahon ng pandemic? Kasi ang proseso ng SImbahan ay di tulad ng mga pulitiko na nagpapapansin. Hindi siya kumikilos sa harap ng kamera o kung may kasunod lang na journalist o vlogger, maliban kung itong mga taong ito mismo ang makapansin.



Binibigyang inspirasyon ni Hesus ang SImbahan na kumilos mula sa pag-ibig, hindi sa publicity o papuri. At hindi din  siya naghahanap na pasalamatan pa.



Buti na lang, may mga taong nakakapansin, nakakaranas at nagbabahagi kung paano sila natulungan ng ating Simbahan. Isang doktor na naka-recover sa covid ang nagsabi na noong akala niya mamamatay na siya, ang tawag ng pari sa telepono ang nagbigay lakas at kapayapaan. Isang abogado din na gumaling ang nagsabi na ang panonood niya ng Misa sa social media at ng mga inspirasyon ng mga pari doon, ang nagbigay sa kanya ng pag-asang mabubuhay pa siya.



Sa wakas, ang Simbahan ay hindi lamang tumulong sa espirituwal kundi sa materyal na paraan din noong panahon ng pandemic. Nakiisa din siya sa karanasan ng mga taong nagka-virus. Ang daming paring namatay sa Italy. May mga madre at misyonero na namatay din, ang ilan dahil nahawa sa mga pasyenteng inaalagaan nila.



“Kung naniniwala kayo sa Akin, gagawin ninyo ang ginawa Ko.”  Amen.

HAPPY MOTHER'S DAY!



Paki-share po…


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS