PENTEKOSTES/ PAGDATING NG ESPIRITU SANTO A
SA LIWANAG MULI!
image from the internet
Ano pakiramdam na makawala sa pinakamahabang
lockdown sa buong mundo?
Sinimulan nang kalagitnaan ng
Kuwaresma at wawakasan ngayong Pentekostes na!
Walang eskuwela, walang trabaho,
walang simba-simba, walang negosyo nang dalawa’t kalahating buwan… paano ka
nakatiis? Salamat sa Diyos at narito pa rin tayo!
Ngayon nga ay Kapistahan ng
Pagbaba ng Espiritu Santo sa Mahal na Birhen at sa mga Apostoles (Gawa 2: 1-11).
At hindi ba, bago yun, maging ang
mga apostoles ay nasa lockdown!
Matapos mamatay si Hesus sa krus,
nawala at nagtago ang mga ito.
Kahit nabuhay na muli ang Panginoon,
wala pa rin silang mukhang ihaharap sa mundo, takot pa rin, sindak pa rin.
Subalit naalala nila ang pangako
ng Panginoong Hesus: ipadadala ang Regalo, ang Espiritu Santo, pero kailangan
muna silang maghintay at magdasal.
Isipin natin na nagdarasal nga sila
maya’t maya: Halina, Espiritu Santo… halina, Espiritu Santo… paulit-ulit.
Dumating nga ang Espiritu Santo at
ang unang ginawa ng mga apostoles ay lumabas sa pinagtataguan at makihalubilo sa
labas upang ipahayag si Hesus na muling nabuhay!
Wala na ang takot, naglaho na ang
pangamba, tumigil na ang panginginig.
Puno ng Espiritu Santo, ang mga
apostoles ay nangaral at nagturo ng Mabuting Balita sa sinumang nakita nila.
Taun-taon tayong pinapaalalahanan
na tumawag sa Espiritu Santo sa pista ng Pentekostes.
Sinasabi ng pananampalataya na paulit-ulit
nating dasalin: Halina, halina, halina Espiritu Santo. Kung tapat tayo,
darating nga Siya sa ating buhay.
Pero kapag dumating na siya,
dapat na tayong tumigil magsabi ng “halina Espiritu Santo.” Hindi pwedeng
anyayahan pa ang isang kasama na natin o nasa piling na natin.
Sa halip, lasapin ang kanyang
presensya, damhin ang kanyang kapangyarihan, at isabuhay ang kanyang
ibinabahaging pag-asa sa atin.
Noong Pentekostes, tumigil ang mga
apostoles na magsabing “halina” at sa halip ay lumabas taglay ang tapang ng
Espiritu Santo upang magsimula ng bagong buhay bilang mga misyonero,
mangangaral at mga saksi ng Pagkabuhay ni Kristo!
Malapit na nga tayong lumabas ng
bahay.
Malapit nang bumalik sa dating
kapaligiran at mga gawain.
Siguraduhin, nakapagdasal ka sa Espiritu
Santo, “Halina sa aking puso!” Bilin ni
Pope Francis na dasalin natin ito lagi.
Sa katunayan, magandang gawin ito
tuwing gigising sa umaga.
At kapag naanyayahan na Siya sa ating
puso, lumabas na may taglay na lakas-loob at muling buuin ang sariling buhay at
hanapbuhay, at mga relasyon sa buhay lalo na ang ugnayan sa Diyos at
paglilingkod sa kapwang kasama natin araw-araw.
Mapuno nawa tayo ng presensya ng
Espiritu Santo at patibayin nawa tayo sa ating hangarin na pagandahin ang ating
mundo.
Paki-share sa kaibigan….