DAKILANG KAPISTAHAN NG KRISTONG HARI K


ANG HARING AND DULOT AY PAG-ASA
 

 

Tadtad ng larawan ng paghihirap ang media ngayon tungkol sa mga nakaraang kaganapan ng bagyong Yolanda.  Matagal bago natin malimot ang trahedyang sinapit ng ating mga kababayan.

Sa gitna nito, ano ang saysay ng Kristong Hari na ipinagdiriwang natin ngayon? Pansinin natin ang ebanghelyo sa araw na ito.  Ang tagpo ay ang krus at si Hesus na nakapako doon.  Ano ang tugon ng mga tao sa isang haring nakapako?

Ang iba, kawalan ng pananalig tulad ng mga pinuno: kung ikaw nga ang pinili ng Diyos…  Ang iba, pagka-siphayo (disappointment) tulad ng mga sundalo:  kung ikaw nga ang hari… Ang iba, tulad ng isang magnanakaw na nakapako, kawalan ng pag-asa (despair):  iligtas mo kami!

Subalit ang isang magnanakaw na nakapako din kasama ni Hesus ay napuno ng isang malaking biyaya: tiwala at pagpapaubaya (surrender) ng sarili: Hesus, alalahanin mo ako sa iyong kaharian.

Tulad ng mga biktima ng hagupit ng bagyong Yolanda. Tumatakas na yakap yakap ang kanilang mga imahen ni Hesus at Mama Mary. Naghahanap sa nawawalang pamilya na hawak ang rosaryo at eskapularyo. Umiiyak habang nagsisimba sa walang bubong na simbahan. Nagsasabi na kahit wala na ang lahat, ang Diyos na lamang ang natitirang pag-asa at lakas ng buhay nila.

Sa ganitong mga tao, ang tugon ng Panginoon ay pag-asa: isasama kita sa Paraiso. Hindi nagpaliwanag si Hesus tungkol sa trahedya.  Basta niyakap lang niya ang naghihirap na magnanakaw.  At ngayon ay yakap yakap niya ang nagdurusang mga kababayan natin. 

 Bilang tagasunod ni Kristong ating Hari, yakapin, samahan, akayin at tulungan natin sila na makasumpong ng pag-asang naghihintay mula sa Diyos sa pamamagitan ng ating pagmamahal.

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS