UNANG LINGGO NG ADBIYENTO A
AKTIBONG PAGHIHINTAY
ANG KAILANGAN
Grabe ang epekto ng bagyong
Yolanda sa ating buhay. Sobrang dami ang namatay o nawawala at gayundin ang mga
nasira sa paligid. Pero ang
nakapagtataka, alam nating darating ang super-bagyo na ito. Hinintay natin ang
darating na bagyo. May announcements sa media, may babala mula sa Pag-asa.
Hindi kaya may sinasabi ito sa paraan ng paghihintay ng mga Pilipino?
Pagkatapos ng lahat, kailangan
din nating aminin, minsan hindi tayo magaling maghintay. Paano ba maghintay ang
mga Pilipino? Minsan hanggang sa
kadulu-duluhang pagkakataon, saka lang tayo nababagabag o kumikilos.
Maraming tao ang lumilikas lamang
kapag lulubog na sa baha ang bahay nila o kung nandiyan na sa katabing bahay
ang sunog. Bawat barangay official ay sumasakit ang ulo sa page-evacuate sa mga
tao pag may panganib dahil marami ang ayaw makinig at kumilos.
Ang tawag ng ebanghelyo: maging
magaling at aktibo sa paghihintay. Sa paghihintay, “Magbantay kayo!” sabi ng
Panginoon (Mt. 24: 42). Sa paghihintay, “maging handa kayong lagi” (v. 44) sa
pagdating ng Panginoon, sa mahahalagang okasyon, sa anumang magaganap sa buhay.
Naghihintay ang mga Judyo sa
kapayapaan sa unang pagbasa.
Naghihintay ang mga Romano sa kalayaan ng katawan sa kasalanan at
kadiliman. Samantala, ginagawa nila ang makakayanan upang maging mainam ang
paghihintay.
Maghintay tayo nang magaling at
maayos, nang aktibo at hindi nakatunganga lamang. Sa Adbiyentong ito, maghintay
na may panalangin. Maghintay na
may kapatiran sa kapwa. Maghintay na may pagbibigay sa mga nangangailangan sa
atin. Maging makabuluhan sana ang
inyong paghihintay sa Panginoon… at sa Paskong darating.
Comments