IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY, K
-->
LABAN PA!
Nagugulat tayo sa mga kilos ni
Pedro at mga kasama. Pagkatapos ng kamatayan sa krus ni Hesus, balik dagat na
naman siya. Dati na siyang tumigil sa pangingisda upang maging alagad. Ngayon, balik na naman siya sa laot.
Dito natin makikita ang kahinaan
ni Pedro, at nating lahat. Kapag nasiphayo, nawalan ng pag-asa, tila ayaw na
natin at suko na agad! Mas mabuti pang umatras kaysa umabante. Mas masarap sa
dating maginhawang buhay kaysa umukit ng bagong daan.
Sa pangingisda nakilala ni Pedro
si Hesus at nakita ang tunay niyang kapangyarihan. Ang himalang huli ng
napakaraming isda ang nagbunsod sa kanya na iwanan ang dagat at maging
mangingisda o mamamalakaya ng mga tao, tulad ng sinabi ng Panginoong Hesus sa
kanya. Pero ngayon, eto siya at
nasa laot ulit, para ituloy ang natigilang hanapbuhay niya.
Kay dali nating mahulog sa
ganitong patibong. Kapag malungkot o nalilito, takot o nalalabuan tungkol sa
kinabukasan, mas madali tayong magpasya na umatras sa dati nating buhay.
Pero ang Panginoon ay isang Diyos
na makulit. Gusto niya tayong matutong tumapang. Binibigyan niya tayo ng
pag-asa. Binubuhay niya ang ating
mga pangarap at pinalalakas tayo na umabante sa buhay. kaya nga binisita niya
ulit si Pedro sa binalikan niyang hanapbuhay, sa gitna ng kanyang takot at
pangamba. Itinutulak niya si Pedro ngayon na magtalaga ng sarili para sa isang
mas mabuti, mas magaling, mas dakilang bagay. At sumagot naman ulit si Pedro,
isang OO na mas determinado, matatag at magiting, isang OO na hangangg huli ng
kanyang buhay.
Ngayong Pagkabuhay, nakikita ba
nating paatras tayo mula sa landas ng kabutihan, asenso, luwalhati at
kagitingan na inihahandog ng Panginoon para sa atin? Dahil ba may nalubak sa
buhay natin, handa na tayong iwanan ang mga pangako sa atin ng Diyos?
Tinatagpo tayo muli ni Hesus kung
saan tayo nagkita noong una. Narito siya upang palakasin tayo at hikayatin muli
na lumaban at manalig sa kanyang kapangyarihan, pagmamahal at biyaya. Hahayaan
mo ba ang lubak na ilayo ka a tagumpay at pagpapalang nakalaan sa iyo kay
Hesus?
Tulad ni Pedro, maniwala muli
tayo! Lumaban ulit tayo!