IKA-14 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
-->
ANG PINILI NG DIYOS
“Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil ang
itinago mo sa mga marurunong at matatalino ay ibinunyag mo sa mga maliliit na
tao” (Mt. 11:25).
Akma at angkop sa panahon natin
ang mga salitang ito ng Panginoon sa kanyang pagpupuri sa Ama. Ngayong 2017 ang
ika-isandaang anibersaryo ng pagpapakita ng Mahal na Birhen sa Fatima sa
Portugal. Ang debosyon sa Fatima ay kalat sa buong mundo at halos lahat ng
parokya sa atin ay may mga programang nagpapakilala ng mensahe ng Fatima sa
pamamagitan ng Block Rosary Movement.
Sa pagdiriwang ng sandaang taon,
pinili ng simbahan na ituon ang pansin sa dalawang pinakabatang pastol na
nakakita sa Mahal na Birhen at kapwa namatay din sa murang edad. Halos 11 taon
at 10 taong gulang ang magkapatid na sina Francisco at Jacinta nang sila ay
pumanaw, ilang taon matapos ang aparisyon ng Mahal na Birhen sa kanila. Ngayon
sila ang pinakabatang mga santo ng simbahan na hindi namatay bilang martir.
Pero dumanas sila ng sobrang espirituwal at pisikal na paghihirap at
karamdaman. Ang ikatlong bata, ang nagmonghang si Sister Lucia, ay nabuhay nang
matagal bilang isang banal na mongha at pumanaw sa edad na 97.
Tandaan po natin na hindi naging
santo sina San Francisco at Sta Jacinta dahil nakita nila ang aparisyon ng
Birhen. Hindi kailangang makakita ng aparisyon para maging santo dahil
karamihan sa mga santo ay walang ganitong karanasan. Naging santo ang mga
batang ito dahil sa kabila ng kanilang kahirapan at kamangmangan, sa kanila
ibinunyag ng Diyos ang kanyang saloobin, tulad ng nasabi sa Mabuting Balita
ngayon.
At hindi lamang nila natanggap
ang pagbubunyag ng mensahe ng Diyos kundi sila ay matapat na tumugon sa
ipinagkatiwala sa kanila. Matapos nilang makita ang aparisyon, napansin ang
kanilang pagbabago. Naging mas madasalin. Naging mas mapagmahal at mabuti sa
kapwa. Nagkaroon sila ng pagnanais na magsakripisyo para sa mga makasalanan.
Ang pag-ibig nila sa Diyos at lumalim at lumago pa. Bata man sa edad, ang
kanilang pananampalataya ay yumabong, at nakita ito lalo na sa pagharap nila sa
kanilang malagim na kamatayan na taglay ang kapayapaan, kagalakan, at pananabik
sa Diyos.
Laganap sa mundo ngayon ang
karunungan ng siyensya, ng teknolohiya, ng pilosopiya. Sino ang makakaisip na ang
kukunin ng Diyos na modelo ng pananampalataya at pag-ibig ay dalawang paslit na
walang kayamanan, edukasyon, at layaw sa buhay.
Dasalin natin sa mga santong sina
Francisco at Jacinta na akayin tayo sa lalong malalim na pagmamahal sa
Panginoong Hesus at sa ating Mahal na Inang si Maria.