IKA-16 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
-->
ANYARE?
Sa kasagsagan ng Marawi crisis, maraming
haka-haka tungkol sa mga utak ng kaguluhan doon. Isang teacher ng isa sa mga
magkapatid na terorista ang na-interview sa tv at takang-taka siya kung paano
humantong sa ganito ang dating tahimik at mabait niyang estudyante. Habang
akala ng marami ay likas na masama ang terorista, ang teacher ay nagtatanong:
Anyare? (ano ba ang nangyari?)
Sa kasaysayan ng mundo, lagi tayong
naghahanap ng paliwanag sa kasamaan. Natural bang masama ang tao o nahahawa lang
siya nito? Ang Mabuting Balita ngayon (Mt 13) ay may paliwanag sa presensya ng
kasamaan. May mga anghel ng Diyos na naghahasik ng mabuting butil na nagiging
kapaki-pakinabang sa bandang huli. Ang demonyo naman ay naghahasik ng masamang
butil na nagiging pahamak sa kalaunan.
Kung pagbabatayan ito, madaling
sabihing may mga taong ipinanganak na mabuti at meron ding isinilang na masama
o may mga taong nakatakda maging dakila habang may mga nakatakda lamang sa
kabuktutan ng buhay. Pero ang Panginoon Hesus ay may sinasabing kakaiba tungkol
sa masama at mabuti. Sa pagitan ng paghahasik at ng pag-aani ng butil, merong elemento ng kalayaan.
Ang mabuti ay lumalago kapag
pinapapasok natin ito sa ating puso. Ang kasamaan ay nagwawagi kung ito naman
ang ating binibigyang-laya. Hindi gumagawa ang Diyos ng mabubuting tao at
masasamang tao. Sa halip, lahat ng tao ay malaya na magpasya kung ano ang nais
niyang patubuin sa kanyang puso.
Maraming tao na libot ng mabuting
sangkap sa buhay habang lumalaki pero pinili ang masamang pamumuhay kaya sa
huli ay nalustay at napahamak. Meron namang halos lumaki sa gitna ng
mala-impiyernong kapaligiran pero nagpasyang susundan ang kabutihan kaya lumaki
bilang taong marangal at maayos ang buhay.
Lagi nating isiping sa buhay
natin sabay ang paanyayang gumawa ng mabuti at gumawa ng masama. Mapupunta tayo
saan man natin piliin. Hilingin natin sa Panginoon ang biyayang magabayan niya
tayo upang lagi nating piliin ang mabuting butil na tumubo at lumago sa ating
puso.