IKA-15 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
-->
SALITANG MABUNGA
May kapangyarihan ang mga salita
at madali tayong ma-apektuhan nito. Ang hindi pinag-iisipang salita ng isang lider pulitiko ay nagbibigay kahihiyan sa bayan, nagpapababa ng halaga ng pera, at
nagdadala ng hidwaan sa bansa. Ang intrigerong salita ng mga bloggers at mga
tao sa social media ay nagpapalago ng maling balita at nanloloko sa kapwa. Ang
salita ng mga terorista ay sapat na upang mangatog sa takot ang mga tao. Pati
ang mga salitang binibitiwan natin sa isa’t-isa ay nakapananakit sa mga
nakapaligid sa atin. Ang salita ng mga mangangaral ay nagagamit din para
kumita, magkondena at magbuhat ng sariling bangko.
Ibinibigay ng Panginoong Hesus sa
atin ang talinghaga ng salita (Mt. 13). Naparito siya upang bigkasin ang
salitang mula sa Ama, ang salitang nagbibigay ng buhay, ang salitang humihilom
at nagbubuong muli. Makapangyarihan ang salita ng Diyos kaya ito ay namumunga.
Tumutubo, lumalago, at namumunga ang salita ng Diyos; kumakalat ito at
sumasaboy sa kapaligiran. Kung paanong ang salita ng Diyos ang pinagmulan ng
buong sangnilikha, gayundin naman ang salita ding ito ang nakamamanghang
nagpapakita ng kapangyarihan na patuloy gumawa ng kabutihan, kabanalan, at
kaligtasan saanman ito mapadpad.
Tumutubo at lumalago nga ang
salita ng Diyos pero, kung ito ay hindi natin hahadlangan sa kanyang landas.
Kahit makapangyarihan ang salita ng Diyos, tayo naman ang may hawak ng susi
upang ito ay yumabong o kaya naman ay matuyot at mamatay. Kung ang puso natin
ay parang tigang na lupa, hindi mag-uugat ang salita ng Diyos. Kung ang ating
isip ay kalat sa maraming mga pinagkakaabalahan at pinagtutuunan ng pansin at
priyoridad, ang salitang ito ay hindi yayabong at mananariwa. Kung ang istilo
ng ating pamumuhay ay salungat sa mensahe ng Diyos, itinutulak natin papalayo
ang kanyang salita bago pa man ito makalapit sa atin.
Kasama natin ang salita ng Diyos
sa mga karaniwang kasangkapan na ibinigay niya sa atin – Bibliya, sakramento,
pangangaral, panalangin, pagninilay. Maaari din itong makarating sa atin sa mga
mensahe at aral na galing naman sa mga tao, karanasan, at pangyayari sa ating
buhay. Anumang paraan dumating ito, ang mahalagang tanong ay: ano ang pasya mo
sa salita ng Diyos? tanggap mo ba ito o laban ka ba dito? Matapos mong
makatagpo ang kalooban at mensahe ng Panginoon, hinahayaan mo ba itong
makaapekto sa puso mo at anyayahan kang lumago sa buhay mo? Nawa ang Salita ng
Diyos ay maging mabunga sa ating buhay ngayon at palagian.