IKA-17 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
-->
TUKLASIN
Nakilala ko sa youtube si Kulas,
ang pinakamagaling na promoter ng turismo ng Pilipinas. Kaya niyang yakagin ang
ibang tao na mahalin ang mga kagubatan, kabundukan, katubigan, kultura, at
higit sa lahat, ang mga tao ng ating bansa. Punong-puno siya ng lakas at saya
na ipakita ang positibo ng Pilipino. Pero si Kulas ay Canadian, hindi Pinoy.
Naghanap siya sa kanyang buhay ng isang lugar kung saan pinakamagandang mamuhay, manirahan, at
makipisan. Iniwan niya ang pamilya sa Canada at trabaho sa Hongkong nang
matuklasan niya ang ating bansa.
Inaanyayahan tayo ng Panginoong
Hesus ngayon na maglunsad ng isang paglalakbay. Hindi para maghanap ng mas may
pagkakakitaan, o ng lugar na mas aliwalas at payapa ang buhay. Hinahamon tayo
ni Hesus sa malalim na paglalakbay ng puso – tungo sa Kaharian ng Diyos.
Para sa Panginoong Hesus, wala
nang mas kapana-panabik, mas kaakit-akit, mas kahali-halina, kaysa Kaharian ng
Diyos na pangako niya sa lahat ng nagnanais nito. Ang Kaharian ng Diyos ay
hindi pisikal na lugar kundi kalagayan ng puso kung saan ang Diyos na ang
sentro ng lahat para sa isang tao, at kung saan ang kalooban ng Diyos ang
siyang bukal ng anumang pangarap at kilos. Sa madaling sabi, ang Diyos ang
naghahari sa buhay.
Madalas tayong matali at mabuhol
sa ibang mga kaharian – ng tagumpay, yaman, kapangyarihan, pagpapasarap,
pagtatrabaho, reputasyon. Sa kaibuturan ng puso, alam nating walang mahihitang
tunay na kaligayahan at kapahingahan sa mga iyan. Lalo lang tayong magnanasa
para sa daigdig, at para sa ating sarili na gumon sa pagpaparaos, galit,
kalungkutan, at pagkabigo.
Inaanyayahan tayo ni Hesus na
hayaan nating ang Diyos lamang ang humawak ng lahat-lahat sa ating buhay, hindi
upang kontrolin tayo kundi upang akayin sa tunay na ligaya at nag-uumapaw na
buhay. Maraming nakatagpo sa malalim na ugnayan sa Panginoon ang nakapagtanto
na kapag ang Diyos ang sentro ng buhay, wala nang iba pang hahangarin. Sapat na
ang Diyos para sa akin!
Nais mo bang tuklasin ang
Kaharian ng Diyos? Payag ka bang matagpuan ang mamahaling perlas at ang
kayamanang nakabaon sa lupa (Mt 13)? Lumapit tayo sa Panginoong Hesus at itanim
ang ating buhay sa kanyang Salita, kapangyarihan at dakilang pag-ibig upang
maging bahagi ng Kaharian.