IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
ANG HENTIL SA ATING
PALIGID
Sa Mabuting Balita ni
Mateo, matatagpuan ang mahalagang aral para sa simbahan, sa ika-18
kabanata. Naging institusyon ang simbahan at nadama ng manunulat na
may magaganap na mga problema sa mga panahong darating. Anumang
institusyon ay may taglay na kapangyarihan at lakas. Nais ng
ebanghelyo na ibaling ang pansin ng mga kinauukulan sa paggamit sa
atas na ito ayon sa puso at isip ni Hesus.
Ang binabanggit na
kapatid ay hindi iyong ordinaryong kapamilya o kamag-anak. Ang
“kapatid na nagkasala” ay iyong maituturing na alibugha sa
pamayanang Kristiyano. Ang alibugha ay hindi pang-karaniwang
may-sala; siya ay kontrabida, sakit ng ulo, at tunay na malaking
problema. Paano kung may taong ganito sa ating simbahan, na wala nang
ginagawa kundi gumawa ng kaguluhan?
Sinasabi sa atin ng
Panginoon na dapat nating personal na ituwid ang taong ganito, at
magdala pa ng ibang kasama kung kinakailangan. Kung mabigo ang ating
pagsisikap, dapat nang ituring ang alibugha bilang isang “Hentil”
(dayuhan) o isang publikano (taga-kolekta ng buwis). Sa pagtratong
mungkahi, tila ba ang sinasabi ay ituring na siya bilang walang
pag-asa, ligaw na tupa, isang patapon. At hindi ba ito nga ang
ginagawa ng mga Hudyo sa mga Hentil na inaari nilang taga-labas at sa
mga publikano bilang mga ketonging dapat iwasan ng lipunan?
Tandaan naman natin na
ang pamantayan na dapat sundin natin ay hindi ang sa mga Hudyo o sa
lipunan, kundi ang pamantayan ni Hesus? Paano ba ang pagtrato ni
Hesus sa mga Hentil? Sa anong paraan itinuring niya ang mga
publikano?
Ipinakita ni Hesus ang
kanyang habag sa mga hindi-Hudyo, inialok niya ang kanyang awa,
tulong at pagpapagaling sa kanila. At mula naman sa mga publikano,
pumili ang Panginoong Hesus ng mga tagasunod na ginawaran niya ng
pagpapatawad, bagong buhay at sariwang misyong gagampanan. Kaya kung
si Hesus ang tatanungin, ang manggugulo sa paligid ay mga taong hindi
natin dapat lamang iwasan o itapon na gayun na lamang. Sa halip, sila
ang ating hahanapin, mamahalin, dadalhin pabalik kahit na matigas ang
kanilang puso. Hindi maaaring talikuran ang sinumang kapatid na
nagkasala sa atin! At kaylanman, hindi iyan ginawa ni Hesus!
Ngayon hindi maunawaan ng
marami kung bakit ipinagtatanggol ng simbahan ang mga lulong sa droga
at mga pamilya nilang tinutugis, pinagbabantaan at pinapatay nang
sukat; o ang mga nasa kulungang nais patawan ng parusang kamatayan ng
mga mambabatas na uhaw sa dugo. Dahil kay Hesus kaya nagsasalita ang
pamayanang Kristiyano para sa buhay, pagpapabago at pagpapanibago.
Bilang mga kasapi ng
simbahan, isipin din natin ang mga taong ayaw nating isali sa ating
grupo dahil sa tingin natin hindi sila perpekto. Maraming mga
Katoliko, kung maka-asta tila perpekto at kapag ang iba ay hindi nila
katulad, nililibak nila at hinahamak. Matutunan nawa nating yumakap
sa kapwa tulad ni Hesus at hindi lamang magtulak palayo tulad ng mga
perpektong Katoliko sa paligid natin.