IKA-26 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A

-->
NAGBAGO NG ISIP





Tiyak aayon ang mga magulang na ipinapanganak na magkaiba ang bawat sanggol. Kahit kambal may pagkakaiba ng ugali. Kaya alam ng isang magulang na may batang magalang at masunurin at mayroon ding suwail at matigas ang ulo. Natural, mas gusto nila ang una kaysa sa huling nabanggit. Ang mga ugaling ito ng mga anak ay tampok sa talinghaga ngayon (Mt 21: 28ff).



Kailangan ng ama ng tulong sa ubasan kaya inutusan niya ang dalawang anak. Supalpal agad ang tugon ng unang anak. Pero ang pangalawa ay magalang (may “opo” pa) at handa. Subalit hindi ang mga unang tugon ng dalawa ang tunay na mahalaga. Iyong nangyari pagkatapos na sumagot ang higit na dapat pansinin.



Ang sumupalpal sa utos ng ama ang natuloy sa ubasan. Ang mabait na anak ang hindi tumupad sa pangako. Ano ang nangyari at nagkabaligtad yata?



Walang ibinigay na paliwanag sa naganap sa ikalawang anak. Sa pagbasa natin, ang binigyang pansin ay ang unang anak, na nagkaroon ng “pagsisisi” at dahil doon ay nagbago ng pasya. Ayon sa mga eksperto, ang naranasan ng anak ay hindi karaniwang pagpapalit ng isip lamang. Nakaramdam siya ng pagkapahiya at panghininayang sa kanyang pagsagot sa kanyang ama. Dahil dito nagkaroon siya ng lakas ng loob na itama ang mali at malayang sumunod sa kalooban ng ama.



Sa lipunan natin ngayon, naniniwala pa ba tayong maaaring magsisi, magbago ng loob at mag-ayos ng sarili ang mga tao? O basta na lamang silang huhusgahan na wala nang pag-asa? Dapat na lamang ba silang patayin? Dapat na lamang ba silang itapon? At tayo, tunay nga ba tayong mabuti na lagi at walang humpay ang ating pagsunod at pagpaparangal sa Diyos?



Isang sikat na action star ang dati ay adik sa shabu. Pati isang senador ay umamin na tumira siya ng drugs noong bata pa siya. Kay daming kuwento ng mga taong nagsimula sa mali pero humantong sa tamang landas. Nawa ganoon din tayo. Maniwala tayong sa tulong ng biyaya, hihilumin ng Diyos at itutuwid niya ang ating katigasan ng puso.


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS