IKA-24 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

“TULAD”

Katatapos ko lang basahin ang isang munti pero magaling na aklat tungkol sa habag ng Diyos. Sabi ng libro, may apat na kundisyon sa pagtanggap ng dakilang handog na ito ng Diyos sa mga mahihina, makasalanan, sugatan at nagkakamaling mga anak niya. Ang una ay tiwala, ang ikalawa ay pagpapakumbaba, ang ikatlo ay pasasalamat, ang ang huli ay pagpapatawad. Ang mabuting balita ngayon ay may magandang paliwanag tungkol sa kahalagahan ng huling kundisyon.

Ang mensahe ng mabuting balita (Mt. 18) ay hindi lamang na ang Diyos ay mapagpatawad. Alam na natin iyan. Mula pa sa pagkabata, naituro na iyan sa atin. Ang Diyos ay higit na dakila kaysa anumang kamaliang magagawa ng tao, at dahil dito, kaya niyang patawarin ang sala, at linisin ang mantsa ng ating pagkukulang.

Subalit ang pinupunto ng mabuting balita ay ito: may kundisyon bago tumanggap ng pagpapatawad. Ang tanong ng maunawaing panginoon sa kanyang alipin, na una niyang pinatawad sa pagkakautang: hindi ba dapat nahabag ka sa iyong kapwa “tulad” ng nahabag ako sa iyo? (cf. v. 33). Matapos ito, galit na binawi ng panginoon ang kanyang unang pasya tungkol sa utang ng aliping marahas. 

Ang “tulad ng” o “gaya ng” ay hindi simpleng pang-ugnay lamang sa mga salita ng ating Panginoon. Paulit-ulit itong ginamit ni Hesus sa kanyang pangangaral – maging banal kayo “tulad” ng pagiging banal ng Ama sa langit; magmahalan kayo “tulad” ng pagmamahal ko sa inyo; patawarin mo kami sa aming mga sala “tulad” ng pagpapatawad namin... At ngayon, magpakitang habag kayo “tulad” ng pagtanggap ninyo ng habag ng Diyos.

Bakit ba tila ipinagpipilitan itong “tulad” na ito? Paalala ito ng Panginoong Hesus sa atin na ang batayan ng ating pagmamahal at paglilingkod ay hindi ang ating sarili. Ang Diyos ang huwaran ng lahat ng kabutihan, pero hindi siya modelong hahangaan o mamasdan lamang sa malayo. Siya ay huwarang nag-aanyaya na makilahok tayo sa kanyang paraan ng pakikisalamuha sa mga tao, sa ating mga kapatid, at pati na sa ating mga kaaway. Kung paano tumanggap tayo mula sa kanyang mga kamay, gayundin, dapat nating dumaloy sa iba ang nag-uumapaw na awa ng Diyos.

Hindi madaling magpatawad, magparaya, makalimot at makawala sa kadena ng nakaraan. Kung aasa lang tayo sa ating sarili, paano ba natin magagampanan ito nang totoo at tapat? Subalit sa Diyos, lahat ay mangyayari, kung kaya lamang nating iugnay ang ating sarili sa kanyang paraan ng pagkilos sa mundo. Magsumamo tayong makapagpatawad tulad ng tayo din ay pinapatawad; na magbahagi ng pagmamahal tulad ng pagtanggap ng pag-ibig mula sa mga kamay ng Diyos.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS