IKALIMANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON, K
KAAKIT-AKIT NA
KABABAANG-LOOB
Kay daming mga katangian sa ating ugnayan sa Panginoon. Dahil
sa kanyang pagbibigay, nagiging mapagpasalamat tayo. Sa kanyang pagpapatawad sa
paulit-ulit nating mga kasalanan at pagkakamali, natututo tayong maging
mapagmatyag at maingat sa kilos at gawa. Sa tuwing diringgin ang ating mga
panalangin, lalo naman tayong sumasalalay sa kanyang kapangyarihan at awa.
Sa mabuting balita tinuturuan tayo ng isang tanging
katangian at saloobin na kailangan nating angkinin sa ating ugnayan sa
Panginoon. May katangi-tanging pasahero sa bangka si Pedro noon. Halos magiging
isang simpleng paglalayag na lang sana ang biyahe niya dahil wala namang
mahuling isda. Matumal ang negosyo, eka nga. Subalit nang ipakita ng Panginoong
Hesus ang kanyang kapangyarihan sa tubig at sa mga nilalang dito, hindi makaya
ni Pedro at mga kasama na hanguin sa dagat ang kanilang napakaraming nahuling
isda.
Hindi sumigaw si Pedro: Ang galing mo, Lord! Hindi din siya
napabulalas ng: Salamat, Lord! Hindi siya nagsabi: Patawarin mo po ako,
Panginoon! Ang tanging namutawi sa kanyang mga labi ay ang laman ng puso: “Lumayo
ka sa akin Panginoon, makasalanan po ako.” Ipinahayag niya ang kanyang
kababaang-loob sa harapan ng Diyos na dati kilala lamang niya sa
pananampalataya at ngayon, ay nakasakay sa kanyang bangka.
Gusto ko talaga ang paglalarawan ni San Lukas nang sabihin
niyang napaluhod si Pedro sa harap ni Hesus. Nakaupo noon si Hesus sa bangka,
at si Pedro ay bumagsak sa harapan niya. Isipin na lang kung paano ang matipuno
at malakas na taong ito ay nakaluhod na kinilala na may mas magaling kaysa sa
kanyang sarili. Sa kanyang pagkaunawa ng himala, napuno si Pedro ng
kababaang-loob at nasambit niya ang distansyang naglalayo sa kanya at sa Diyos –
“lumayo po kayo sa akin!”
Hindi mapapalampas ni Hesus ang pusong mapagkumbaba. Lagi siyang
naghahanap ng taong may mababang-puso. Ito rin kasi ang katangian niya sa harap
ng kanyang Ama, at katangian na ipinamalas niya sa lahat ng nakasalamuha niya. Hindi
niya pinansin ang hiling ni Pedro na lisanin siya kundi sa halip, lalo niyang
hinila papalapit si Pedro. Tila sinabi ng Panginoon kay Pedro: “Napansin mo
palang malayo ang distansya ng kapangyarihan ko at ng kahinaan mo? Ngayon naman
ipinapahayag ko sa iyo ang pagkakalapit nating dalawa. Halika at gagawin kitang
alagad ko.” Tunay na naaakit ang Diyos sa taong mababang-loob at hindi hambog!
Turuan nawa tayo ni San Pedro sa kaniyang halimbawa. Ang tunay
na kababaang-loob ay wala sa panlabas na anyo o magandang pananalita. Ang kababaang-loob
ay katangian ng puso. Sabi ni San Francisco de Sales: “Ang maipapayo ko sa iyo
ay maghinay-hinay lang sa pagpapahayag ng kababaang-loob, at tiyakin na ang iyong
tunay na malalim na saloobin ay naaayon sa sinasabi mo sa panlabas.” Ang galing
ng pagkakasabi! Panginoon, pagkalooban mo po ako ng pusong kumikilala sa iyong
kapangyarihan at lakas.
-->