IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K



MAGSITAHIMIK O MAGSISIGAW?





Isang guro ang nag-post sa social media ng kalagayan ng paaralan nila.

Sa halip na maayos na faculty room para sa mga teachers

kung saan puwede maghanda, magpahinga, magpulong, magkonsulta,

ipinakita niya ang lugar kung saan sila ngayon tumatambay

… sa abandonadong CR ng kanilang public school.



Nagtagumpay ba siya?

Nagalit sa kanya ang mga napahiyang opisyal ng school

at sinabing nag-iinarte lang siya at nagpapaawa sa iba.

Binantaan siyang idedemanda dahil sa panghihiya sa paaralan.

Sa halip na harapin ang problema, itinuring siyang tinik sa lalamunan ng mga boss niya.



Palaging itinuturing ng mga tao na ang propeta ay isang pahamak, isang basag-ulo,

Tulad na lamang ni Jeremias.

Hindi niya kiniliti ang madla, o sinabi lang ang gusto nilang marinig.

Sa halip, nagpahayag siya ng mensahe ng Diyos kahit ito ay makapagbabagabag sa mga tao.

Matapang niyang tinawag na peke at nagpapanggap lang

ang mga taong hanggang balat lang ang pananampalataya

at hindi humahantong sa bagong puso, bagong ugali, bagong katauhan.

Ginambala ni Jeremias ang budhi, maging ng mga tao o ng hari.

Sila naman, nagalit, napoot at nagtangkang patayin si Jeremias.



Mas higit ang Panginoong Hesus sa isang Jeremias lamang.

Ipinaliwanag niyang ang mga sumusunod sa kanya

ay dapat kumawala sa kanilang katapatan sa mga tao.

Dala niya ay mensahe hindi ng pahinga o ginhawa kundi ng pagkagulat at pagkamangha.

… para bang apoy na sanhi ng pagkakagulo,

… tila mga argumento na naghahati sa mga tao.

Ang mensahe ni Hesus ay para gumambala at gumimbal,

nang sa gayon mapilitan ang mga taong magpasya para sa Diyos at sa buhay na banal.



Paano ka tumutugon sa mga propeta ng buhay mo?

Iniiwasam mo ba ang kanilang mensaheng nakaka-istorbo?

Namumuhi ka sa kapag sinasabi nila ang tama sa iyo?

Binabawasan mo ba ang tindi ng mga Salita ng Diyos sa Bible mo?

Nasusuklam ka ba kapag sinabing mali ka?

Sinisikap mo bang patahimikin ang puna ng iba sa buhay mo?






Hindi kumportable sa harap ng propeta.

Pipilitin ka nilang magisip-isip.

Hahamunin ka nilang tahakin ang makipot na daan.

Sa huli naman, dadalhin ka nila papalapit kay Kristo.






Salamat sa Diyos para sa mga propeta ngayon:

Ang whistle blower na hindi alintana ang panganib para sabihin ang totoo.

Ang obispong nagtataya ng buhay para labanan ang pagpatay ng mga dukha.

Ang empleyadong ayaw tumanggap ng suhol.

Ang magulang na mahigpit upang madisiplinang tama ang anak.

Ang pari na nangangaral mula sa Salita ng Diyos at mula sa karanasan ng mga tao.



Huwag patahimikin ang propeta!

Pabayaan siyang magsalita.

Pabayaan siyang sumigaw kung dapat.

Pabayaan mo siyang akayin ang mundo sa kaligtasan!


(huwag kalimutang i-share...)

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS