IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
PINAKAMALIIT,
PINAKAHULI, PINAKA-NALILIGAW
Isa ka ba sa mga nagulat nang
ihayag na simula na ang proseso sa simbahan para sa pagka-santo ng isang
kabataang Pinoy na si Darwin Ramos?
Ang tawag na sa kanya ngayon ay “Lingkod
ng Diyos” at sana balang araw ay “Beato,” at pagkatapos ay “Santo” Darwin na!
Okey yun di ba?
Ako nagulat talaga sa balitang
ito. Sino nga ba ang future santo natin? Hindi ko siya kilala kaya napilitan
akong magsaliksik.
Maagang namatay si Darwin sa
isang ampunan ng mga mahihirap na kabataan sa Quezon City. Bago siya napunta dito,
nangangalakal siya ng basura kasama ang kapatid, sanay sa mga tambakan kung
saan naghahagilap ng mga maibebentang plastik, papel at bakal.
Kaya hindi talaga siya mayaman,
malinis at kaakit-akit; hindi ang tipong nanaisin mong maging barkada ng mga
anak mo.
Nang magkasakit si Darwin at
nanghina ang katawan, ginawa siya ng tatay niya na pulubi sa istasyon ng LRT sa
Maynila.
Kaya hindi rin siya sikat. Baka nga
nadaanan ko pa siya minsan sa LRT at hindi ko man lang pinansin ang kanyang
paralisado, payat at maruming katawan. Di ba ganyan tayo magbalewala sa mga tao
sa lansangan; kaydaling magsara ng mata… at ng puso sa kanilang presensya! Arayku!
At nang sa wakas humantong siya
sa ampunan, ang future santo natin ay namuhay na hindi kilala, hindi maimpluwensya
at hindi marangya sa loob ng ampunan. Pero dito niya nakilala at tinanggap sa
puso ang Panginoon; nagpabinyag siya at naging sobrang madasalin at mapagmahal
sa kapwa.
Simula niyang ibinahagi ang pagmamahal
ni Hesus sa pamamagitan ng kanyang ngiti, panalangin, pag-aalala sa iba,
pagka-magiliw, at anumang munting bagay na mayroon siya. At wala naman siyang
gaanong taglay… kung tutuusin, wala talaga… tanging pananampalataya lamang ang inspirasyon
niyang naibahagi sa kapwa.
Nang sabihin ni Hesus na ang huli
ang mauuna ang at una ang mahuhuli, ito na yata ang kanyang
pinakamakapangyarihan at pinakaseryosong pananalita!
Bukas para sa lahat ang Kaharian
ng Diyos! Malapad at kasya ang kalalagyan ng lahat ng kanyang mga anak. Pero, ang
pagpasok sa kahariang ito ay para sa mga pinakamaliit, pinakahuli,
pinaka-naliligaw na siyang nagbubukas ng puso kay Kristo at nagtatalaga ng
sarili upang sundan siya sa mga simple, munti, at mapagmahal na paraan.
Lagi tayong nag-aalala kung sino ang
maliligtas, tulad ng taong nagtanong sa Panginoon. At tila alam natin ang sagot
tungkol sa kaligtasan:
Maliligtas ka kung “born-again ka.”
Makakarating ka sa langit ka kung
magsisimba ka lagi at magkukumpisal.
Ligtas ka na kung susunod ka sa
pope, sa preacher, sa punong ministro ng iyong simbahan, fellowship, iglesia
etc…
Sa iyo ang langit kung bahagi ka
ng “tunay” na simbahan na ito… o ng “isa pang” tunay na simbahan doon naman… o
ng “nag-iisang tunay” na relihyon sa mundong ito.
Subalit ang sabi ng Panginoon
maraming kakatok sa pinto ng langit at ang sasabihin niya ay: Hindi ko kayo
nakikilala!
Ang kilala lamang ng puso ni
Hesus ay ang pinakahuli sa lahat…
Ang mga walang kakayahang
magdonate ng malaki…
Ang mga hindi naiimbitahang
mag-dinner kasama ni father, ni bishop o ni pastor…
Ang mga itinuturing na balewala,
walang kuwenta at walang impluwensya sa mga nasa posisyon…
Ang mga dukha at mahina…
Ang huli, maliit, at naliligaw,
na siyang mas nakararami sa mga kapatid ni Hesus sa mundong ito.
Sila ang darating mula silangan
at kanluran, at kakain at uupo sa hapag na kasama ang Ama, Anak at Espiritu
Santo – ang Diyos ng mga walang kuwenta at walang kabuluhan ngunit may lugar sa
kaharian!
(salamat po sa mga nagbasa at nag-share nito sa kanilang social media)