SANTONG AMERICAN CITIZEN... MERON NGA BA?
Meron nang unang paring-martir na talagang ipinanganak sa
bansang USA at malapit na rin siya maging ganap na “saint.”
Nagulat ako nang malaman kong meron na ngang unang “US-born
martyr” na isang hakbang na lang at tatanghalin nang santo. Siya si Blessed
Stanley Rother.
PINAGMULAN
Mula sa bayan ng Okarche sa Oklahoma, isinilang si Stanley
sa isang pamilya ng mga magsasaka noong 1935. Nag-aral siya sa Trinity Catholic
School at naging aktibo sa parokya doon.
Mabuting paghubog ang ibinigay ng kanyang mga magulang sa
kanilang magkakapatid. Pagkatapos kumain ng hapunan, iuusod nila ang kanilang
mga silya at luluhod naman para magdasal ng Rosaryo. Ang nag-iisang kapatid ni
Stanley ay naging isang madre.
Pumasok si Stanley sa seminaryo at matapos ang ilang
panahon, pinalabas siya dahil sa mababang grades niya sa Latin. Hindi tinanggap
ni Stanley ang desisyong wala siyang bokasyon sa pagpapari. Sa tulong ng
kanyang Obispo, pumasok siya muli sa ibang seminaryo hanggang matamo ang
kanyang pangarap noong 1963.
MISYONERO
Tamang-tama naman na nanawagan si Pope John XXIII na
tumulong ang mga misyonero sa mga bansa sa South America. Dahil dito ang
diocese ng Oklahoma City and Tulsa, na kinabibilangan ni Fr Stanley ay nagtayo
ng isang mission station sa Guatemala.
Nang anyayahan si Fr Stanley na maging bahagi ng misyon, pumayag
siya agad at 13 taong siyang namuhay kasama ang mga parishioners niya na
karamihan ay mula sa tribo na mula sa sinaunang mga taong Mayan.
Mahina sa Latin dati, pero matiyagang natuto ng Spanish at
ng wika ng mga katutubo si Fr. Stanley. Naisalin pa nga niya ang Bible sa
wikang Tz’utujil, na noon ay wala kahit isang literaturang nakasulat.
Naglingkod si Fr Stanley bilang kura paroko. Tinulungan niya
at ng mga kasamang pari at liders ang mga tao sa kanilang agrikultura,
edukasyon ng mga bata, at pagtatayo ng kooperatiba. Lahat ay ginawa nila upang
iangat ang antas ng buhay ng mga parishioners nila.
Mabait, simple, tradisyunal at marubdob ang pananampalataya
ng mga tao. Subalit sobrang hirap ng kanilang buhay sa bukid. Ang buong
Guatemala ay magulo noon dahil sa rebelyon na nais lumaban sa gobyerno. Ang
simbahan lamang ang talagang tumutulong sa mga tao kaya’t dito ibinaling ng
gobyerno ang galit at poot.
Tina-target ang mga taong simbahan. Pinatay ang ilang mga
pari at mga misyonero. Kinidnap naman ang ilan.
Nang malaman ni Fr Stanley na kasama siya sa listahan ng
nais patayin, umuwi muna siya sa USA para magpalamig ng sitwasyon. Subalit
hindi mapakali ang pari. Minsan niyang isinulat na: hindi dapat tumatakbo
papalayo ang pastol ng kaan.
PAGBUBUWIS NG BUHAY
Ang puso ni Fr Stanley ay para sa mga parishioners niya sa
Guatemala. Bumalik siya nang Holy Week sa laking tuwa ng mga tao. Naging
maingat si Fr Stanley; pinalitan ang mga kandado ng simbahan, natulog sa ibang
kuwarto kapag gabi.
Dahil sa panganib, may mga taong tinanggap ang pari na
matulog sa simbahan tuwing gabi, lalo na ang mga kabataan na nasa panganib din
ang buhay.
Isang madaling araw, July 28, 1981, may 3 taong dumating
upang hanapin ang pari. Ang mga taong ito ay kalaban ng mga katutubo at ng mga
mahihirap sa lugar na ipinagtatanggol naman ng mga pari.
Naging madugo ang mga pangyayari. Lumaban si Fr Stanley sa
tangkang pagdukot sa kanya at dalawang putok ng baril ang narinig ng mga tao sa
paligid.
Nang datnan sa kanyang kuwarto, nakalugmok sa sahig ang pari
at binawian na siya ng buhay. May tilamsik ng dugo sa buong paligid. Nakatakas
ang mga salarin na gumawa ng karumal-dumal na pagpatay sa pari.
PAGKILALA SA KABANALAN
Maraming naantig sa buhay at halimbawa ni Fr Stanley. Nakita
nila sa kanya ang isang kabayanihan para sa kanyang pananampalataya sa Diyos at
sa paglingap sa bayang ipinagkatiwala sa kanya.
Bagamat iniuwi sa America ang bangkay ng pari, hiniling ng
mga parishioners niya na iwan sa kanila ang kanyang puso. Nakalagak din sa
kanyang parokya ang mga garapon ng dugo na sinalok ng mga tao mula sa sahig
kung saan siya namatay.
Dahil sa maraming patotoo sa kabanalan ng pari mula sa mga
taong kanyang pinaglingkuran, sinimulan noong 2007 ang proseso ng kanyang
paghirang bilang isang santo.
Noong Setyembre 23, 2017, nagdiwang ang buong Oklahoma City
nang kilalanin at ipahayag na ang pari ay maaari nang parangalan bilang si
“Blessed Stanley Rother’” ang unang paring martir mula sa USA.
Hinihintay naman ngayon ang pormal na pagkilala sa kanya
bilang isang ganap na santo.