IKA-33 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K



PAGHARAP SA WAKAS





May giyera sa Syria. Ano naman paki natin dito?



May lindol sa Mindanao. Natakot ba tayo?



Bumagyo sa Tokyo. Natigatig ka ba?



Maraming pinapatay, pinalalayas, inaapi. Nag-aalala ka ba?



Binabanggit ng Panginoong Hesus ang mga bagay na magaganap sa mundo bago ang wakas.



Mga giyera, kalamidad, karahasan…



Hindi naman tayo apektado kasi parang ang layo nito sa ating buhay.



Pero tila minsan ang lapit din pala…



May giyera sa pamilya. 
May lindol sa relasyon sa mga katrabaho at kaibigan. 
May mga lubak sa landas patungo sa ating pangarap, sa kalusugan, sa ambisyon. 
May mga taong nagagalit sa atin, naninira sa atin, naghahamon sa atin, 
at dahil diyan, walang kapayapaan.



Maaaring hindi ito ang hudyat ng wakas ng mundo pero tila ito ang wakas ng “ating” mundo. Dinadala tayo sa sitwasyon na mahina, takot at nanganganib tayo.



Isang babae ang dating boss ng  malaking opisina. Ang dami niyang empleyado. Minahal niya sila lahat. Binigyan ng pag-asa.



Nang magretiro na siya, napansin niyang nauubos na ang pera niya. Nagka-kanser pa siya. At wala nang dumadalaw. Walang nag-iimbita. Wala ring nais tumulong. Nabuhay siyang takot na mamatay sa gitna ng sakit, paghihirap at pagkalimot ng mga taong minahal at tinulungan niya.



Sabi ng Panginoon “sa inyong pagtitiis, maliligtas nyo ang buhay nyo.” Ano ang kahulugan nito? Paano makakatulong ito sa pagharap natin sa mga personal na kaguluhan, pagkabagabag at pagsubok na dala ng ating buhay?



Paanyaya ito na manatiling naniniwala



… na hindi tayo pababayaan ng Diyos



… na may nakikinig sa ating panalangin



Paanyaya ito na patuloy na umasa



… na tapat ang Diyos kahit hindi tapat ang tao



… na makapangyarihan ang Diyos higit pa sa ating mga problema



Paanyaya ito na manatiling nagmamahal



… sa pamamagitan ng pagdarasal para sa kapwa



… sa pamamagitan ng pagpapatawad sa mga nakasakit sa atin



Bagamat wala tayong magagawa upang baguhin ang nasa palibot natin, tiyak may magagawa tayo na baguhin ang nasa loob natin.



Walang makakukuha sa atin ng pasyang patuloy na magmahal, umasa at manalig.



Ito ang kahulugan ng Panginoon sa salitang “pagtitiis.”



Maaaring wala tayong kapangyarihan ngayon. Subalit laging may nagaganap na mabuti sa taong may tiwala sa Panginoon. Sa panahong itinakda ng Diyos, mananaig ang kanyang habag para sa ating buhay.



Salamat Panginoon sa biyaya ng pagtitiis.



(ibahagi natin ito sa iba. Thanks po!)


-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS