UNANG LINGGO NG ADBIYENTO A



KAPIT SA PAGMAMAHAL





Mahilig ang mga Pinoy mag-ugnay ng hamon ng buhay sa mga pangyayari sa buong taon:



… bertdey mo, pakatino ka na!



… ga graduate ka na? aba, matutong tumayo sa sariling paa!



… lapit na ng Kuwaresma; reunion na ng pamilya!



… magpa Pasko na pala; damahin mo ang pag-ibig sa paligid!



Oo, Adbiyento na nga; maririnig muli ang mga mensahe ng paghihintay, pagbabantay, pananatiling gising!



Sabi ni Pablo sa mga taga Roma: panahon na para gumising.



Paalala ng Panginoong Hesus sa ebanghelyo ni Mateo: laging maghanda; darating ang iyong panginoon kapag hindi inaasahan.



Ano ba itong pagiging laging gising; paghihintay sa kung ano, o mas eksakto sa kung sino?



Tiyak hindi ito pagpupuyat lamang.



Tawag ito para sa paghihintay ng puso. Tawag ito upang “madama muli ang pag-ibig!”



Nag post sa Fb ang aking pinsan ng photo ng kanyang panganay.



Mahimbing na tulog ang bata habang nakakapit sa isang lumang t-shirt.



Inantok na kasi siya pero wala pa ang daddy niya na nasa gym noon. Sabi ng bata miss na miss daw niya ang daddy niya kaya pwede bang kahit t-shirt nito ay makatabi at mayakap niya man lamang?



Awwwww… ang cute! Ang ganda ng istorya, di ba?



Ito ang mensahe ng mabuting balita, at isang bata ang nag-akay sa akin dito ngayon.



Ang bata, mahal na mahal ang tatay niya, ay nagpasyang ilapit ito sa kanyang puso sa pamamagitan ng ala-ala ng kanyang presensya, sa tulong ng isang t-shirt.



Habang naghihintay, ipinahahayag na niya ang kanyang pagmamahal, katapatan, pagnanasang makaugnay ang kanyang tatay.



Paalala ni Pablo sa mga taga Roma: isuot ninyo ang Panginoong Hesukristo!... mamuhay nang bago... iwasan ang dilim… matapang na harapin ang liwanag!



Kaydaming beses na naghintay tayo at sa hirap maghintay, nakalimot, nagpabaya, bumitiw dahil nga tila ang layo ng hinihintay natin; kaya para malibang, nag focus tayo sa mga negatibong bagay at hindi sa mga positibong bagay… tulad ng pag-ibig.



Ang pinakamainam na paghihintay ay 
... iyong laging pag-alala; 
... pagdama sa presensya; 
... pagkapit sa bagay na magpapabuhay ng ala-ala at diwa ng taong ating hinihintay sa lahat ng sandali.



Sa batang ito, t-shirt lang, ok na. Sa ating buhay pananampalataya, baka isang dasal o debosyong paborito natin; isang sipi sa Bibliya; pagsisimba o pagdalaw sa Adoration;  pagkukumpisal bago mag Pasko; mga gawang kabutihan para sa mga dukha at nangangailangan.



Hindi laging madali; minsan kailangang maging matapang at matatag tayong gawin ito.



Ang Adbiyento at Pasko ay puno ng mga simbolo. Tumutulong ang mga ito na manatiling nagliliyab ang puso, nakasindi ang mga ilaw, buhay ang pag-asang makakasama natin ang Diyos na hinihintay.



Isa na namang Adbiyento; pero sandali, ano ba ang kapit-kapit mo? Nakapako ka pa ba



… sa galit sa puso mo?



… sa pagtangging makipagbati sa nakaaway?



… sa pakikidigma sa mundo sa paligid mo?



… sa pagpapaliban ng paghinto ng bisyo o nakasasakit na ugali?



… sa kakulangan ng pagmamahal at awa sa kapwa?



Naku, gumising ka nga diyan!



Adbiyento na naman. Kumapit muli sa mga gawang pananampalataya, pag-ibig, pagpapatawad, pagbibigay.



Panahon na upang sariwain muli ang pananabik at pagmamahal



… sa Diyos



… sa kapwang nasaktan mo



… o nakasakit sa iyo



… at lalo sa mga taong nagmamahal sa iyo kahit di mo pinapansin



… at minamahal mo kahit di ka naman pansin (hugot!)





(paki share naman sa iba… Merry Christmas in advance hehehe)








Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS