DAKILANG KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK, A



PANGARAP PARA SA PAMILYA






Ang Mabuting Balita ngayon ay tungkol sa pamilya at tungkol sa mga pangarap na gumagabay sa pamilya.



May panaginip (pangarap) si San Jose na nanganganib daw ang Sanggol na si Hesus.

-  Kaya kinausap niya ang Mahal na Birhen at sinabing kailangan nila umalis na

-  Kaya kapwa nila dali-daling dinala ang Sanggol na bitbit ang kakaunti nilang pag-aari

- Kaya napunta sila sa malayong lugar, nawalay sa pamilya, naging dayuhan



Napakahirap siguro pero para sa kabutihan ito ng Panginoong Hesus na kanilang pinangangalagaan.



Hindi nakapagtataka na nang lumaki ang Panginoon

-   Handa siyang umalis ng bahay para mag-misyon

-   Naging komportable siya sa piling ng mga dayuhan din

-  Naging maawain siya sa mga walang tahanan, walang ugat, walang luho o layaw sa buhay



Nanaginip ulit si San Jose (buti pa siya, laging mahimbing ang tulog!)



Ibalik na daw nila ang Batang si Hesus sa Israel.



Pero hindi sa siyudad, sa sentro, sa Templo, sa poblacion.



Isang panaginip ang nagdala sa kanila sa Nasaret.

-  Lugar na hindi sikat

-  Lugar ng mga karaniwang tao

- Lugar na sobrang ordinaryo na tila walang kuwenta na nga (“May mabuti bang nagmumula sa Nasaret” – remember yung tanong ni Felipe?)



Pero dito sa Nasaret

-   Payapa at simple ang buhay nila

-   Natuto silang magbanat ng buto at maging may pananagutan

- Nagmahalan sila bilang pamilya at minahal nila at pinaglingkuran din ang mga kapitbahay



Kung may isang lugar na paborito ni Hesus, ito ang Nasaret



Kaya nga tawag natin sa kanya “Hesus na taga-Nasaret” – hindi taga Herusalem, o anumang lugar na sikat o bantog



Kita ninyo, si Jose (at Maria din) ay nangarap, nanaginip para sa pamilya  nila.



Napakaganda ng pangarap nila pero hindi ito napakadali, napaka-kumportable, napaka-ayos.



Pero nang huli, nagbunga ito ng mabuti sa buhay at paglilingkod ng Panginoong Hesus; pati tayo nga nabibiyayaan pa ng mga pangarap na ito sa ating pananampalataya.



May mga pangarap din tayo para sa ating pamilya.



Pero ngayon ang mga magulang ay nangangarap na:

…huwag maranasan ng mga anak ang hirap na naranasan nila


…na makamtan ng mga anak lahat ng kailangan nila… at lahat ng gusto nila (kahit hindi kailangan)


…na mapalibutan ang mga ito ng lahat ng pera, pahinga, damit, libot, gadget, para lagi silang abala at nalilibang


…na matuto ang mga ito sa sarili nila at hindi kailanman madisiplina, mapagalitan, maituwid sa bahay, sa paaralan, sa simbahan o saanman (kung hindi itu-Tulfo na yan!)



Ang resulta nito, bumabaligtad sa mukha ng mga magulang.



Ang mga kabataan ngayon:


…nagsu-suicide sa napakaliit na problema (hindi binati ng syota, hindi naibili ng sapatos, walang load – kahit mga elementary students tumatalon sa bubong ng school para mag suicide)


…depressed daw pag sira ang cell phone o walang wifi


…sobrang awa sa sarili pag hindi nakadalo sa concert, sa gimikan, sa bakasyon kasama barkada


…laging iniisip lang ay sarili… never ang iba


…laging sanay lang tumanggap… pero ayaw magbigay… hindi rin sanay mag thank-you


…akala ang pagmamahal ay yung makuha ang lahat ng gusto; hindi yung makuha kung ano ang mabuti o tama para sa kanila



May mga pangarap na matayog at mahirap; nagbubunga ito ng mga anak na matatag at may pananagutan sa buhay.



May mga pangarap na mataas pero walang hirap; ang bunga nito ay mga anak na duwag at lampa.



Ano kaya ang pangarap mo para sa iyong pamilya?
 
----
 2 Pamaskong requests po mula sa inyong writer: 1) laging i-share ang reflection sa isang taong mahal ninyo; 
2) maaari po bang i-click ninyo ang "follow" button sa blog na ito para mapalakas ang pagpapalaganap ng blog? Salamat po. Mahal kayo lagi ni Hesus!
 












-->

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS