MARIA, INA NG DIYOS; BAGONG TAON – A



UKIT SA BATO





Sa unang pagkakataon, habang nakikinig sa isang preacher, natutunan ko ang milagro ng Mahal na Birhen ng Las Lajas.



Naganap ito sa Colombia (oo, yung lagi nating katunggali sa Ms Universe title hehe).



Isang babaeng dukha at ang anak niyang pipi ang naipit sa lakas ng ulan sa isang bundok.



Nagtago sila malapit sa mga bato nang biglang nagsalita ang bata.





Itinuro nito ang katabing tipak ng bato at sinabi: Nanay, tinatawag ako ng babaeng Mestisa!



Nagulat ang nanay nang makita ang napakagandang larawan ng Mahal na Birhen na nagliliwanag;



Sa magkabilang panig naroon si Santo Domingo at San Franciso nagdarasal.





Isa pang kuwento ang nagsabi na namatay ang bata matapos dapuan ng sakit



Ibinalik ng ina ang bata sa lugar at bigla itong nabuhay.



Maraming himala pa ang naitala sa lugar.



Nagtayo ng isang bisita, tapos malaking simbahan sa gilig ng bundok at ang sentro ng dambana ay ang bato kung saan naroon ang larawan ng Birhen.



Pinag-aralan ng mga scientist ang bato at walang makitang pintura, tinta o anumang puwedeng maglagay doon ng larawan.



Ang mga kulay ng larawan ay nakasunod sa natural na kulay ng bato.



2020 na ngayon at sinisimulan natin ang taon kasama ang Ina ng Diyos, si Maria.



Nang dumating ang mga pastol, natagpuan nila si Maria at Jose kasama ang Sanggol na si Hesus.



Pinagyaman ni Maria sa puso ang lahat ng misteryong naranasan niya.



Oo nga at si Hesus ang sentro ng Pasko, pero iniaalok din sa atin si Maria bilang paalala kung paano kumilos ang pag-ibig ng Diyos. At kung paano natin maibabalik ito sa Ama.



Ang Pasko ang patunay na ang pag-ibig ng Diyos ay matatag. Ito ang unang pag-ibig na “nakaukit sa bato.” Wala nang papantay sa pag-ibig na naglakbay pa mula langit patungong lupa, mula walang hanggan tungo sa kasaysayan, mula kapangyarihan tungo sa kahinaan.



At ang pag-ibig na ito ay ibinabahagi sa atin, napapasakamay natin, ibinibigaya sa atin upang tayo din ay makatugon dito.  Si Maria ang nagbigay ng tamang tugon sa Diyos.



Sobrang mahal ni Maria ang Diyos; sobrang tatag ng kanyang pag-ibig na kahit minsan may mga bagay na mahirap unawain o mahirap tanggapin, patuloy siyang umayon, tumalima, nagtiwala.



Ang pag-ibig niya ay katulad ng pag-ibig ng Diyos na nakaukit din sa bato, tulad ng larawan sa Las Lajas.



Kaya nga dapat natin siyang tularan sa kanyang katapatan.



Paano natin minamahal ang Panginoon?



Nakaukit ba sa bato o:

… nakasulat lang sa papel na nalulukot

… nakauka sa kahoy na nabubulok

… nakapinta sa pader na kumukupas?



Nakaukit sa bato, ang katapatan ni Maria kay Hesus ay hindi matitibag kailanman.





Sa mga darating na buwan, tiyak may mga taas-baba, pagpapala-pagsubok, tagumpay-pagkatalo… anyayahan natin ang Mahal na Birhen na makilakbay muli sa atin at turuan tayong patuloy na maniwala at magtiwala sa pag-ibig ng Diyos na nakataga sa bato!

(PLS SHARE WITH A FRIEND...)




-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS