IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO A



ANG PROPETA AT ANG SANGGANO


 (IMAGE, FROM THE INTERNET)



Ang mundo ngayon ay pinalalakad ng mga barumbado.



Mataas ang boses nila para isipin iba na malakas sila.



Bastos at nakasasakit ang pananalita nila upang katakutan sila ng iba.



Ginagamit nila ang kanilang posisyon, sa gobyerno man o sa media, para ipahiya at maliitin ang kapwa.



Gusto nilang isipin ng iba na makapangyarihan sila, na sila ang mga idolo na kailangan ng lipunan ngayon.



Ganyan ang bulok na style ng



… opisyal ng gobyerno na akala mataas pa siya sa Diyos



… ng announcer sa radio na akala siya ang lumalaban sa masama maliban sa kasamaan ng kanyang sarili



… ng lider ng kulto na akala siya ang nagpatigil ng lindol (kahit hindi niya mapatigil ang “Probinsiyano”)



Walang ibang salita na bagay sa mga ito maliban sa “sanggano” (o bully sa Ingles)



Ang sanggano ay sandaling namamayagpag pero naglalaho sa kahihiyan sa takdang panahon.



Laging may matuwid at tunay na taong magpapabagsak sa sangganong nagiging salot ng lipunan.



Ang propeta ay iba; ang propeta ay hindi sanggano.



Mataas ang boses ng propeta dahil dala nito ang kapangyarihan ng Diyos.



Nakakakunsyensya ang salita ng propeta dahil gusto niya maituwid ang naliligaw.



May kapangyarihan ang propeta pero hind mamahiya, kundi umakay sa liwanag.



Ganyan si Juan Bautista na pinakamagaling sa lahat ng propeta, ayon sa Panginoong Hesus, sa mabuting balita ngayon.



Tapat sa misyon… malaya at maralita… dala lamang ay mensahe ng Panginoon.



Ngayong Adbiyento, tinatanong tayo ng Panginoon, sino nga ba ang pinakikinggan natin?



Giliw na giliw ba tayong makinig sa sanggano dahil tunog magaling kahit wala namang sinasabing totoo o mabuti?



O nakikinig ba tayo sa propeta na nagsasabing ihanda na ang puso na maging sisidlan ng Diyos?



Nakakahiyang isipin na sa bansang Kristiyano tulad natin, mas gusto ng mga taong makinig sa mga sanggano kaysa mga propeta.



Pero maganda ring itanong, may mga propeta pa ba talaga sa pamayanan ng pananampalataya?



Baka kaya nahihilig ang tao sa sanggano ay kasi wala silang matagpuang propeta ng Diyos ngayon?



Habang naghahanap tayo ng mga propeta sa paligid natin, isipin mo din ito…



Baka ikaw ang propetang aakay sa mga tao tungo sa



… katotohanan



… tamang paraan ng buhay



… liwanag



… pananampalataya



na matagal na nilang inaasam.



Halos narito na ang Pasko. Idalangin natin sa Panginoon na matagpuan natin ang mga tunay na propeta sa ating piling, pero sa natatanging paraan, matuklasan din natin ang propetang natutulog sa ating puso.

(paki-share sa kaibigan...)


-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS