IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO A



PROPETA?... IKAW YATA YUN!





May nakakatawang pangyayari matapos ang malagim na lindol sa Mindanao.



Kaydaming nasira. May mga nasawi pa. Laganap ang takot.



At eto ang isang lider ng relihyon (sabi ng iba, lider ng kulto) na nagsabi dapat siyang pasalamatan.



Bakit daw? E kasi siya daw ang nagpatigil sa lindol!!!



Nang lumindol, narinig daw ng iba, na sumigaw siya ng “Hinto!” at huminto ang lindol.



Pinagpiyestahan tuloy siya sa tv at internet.



Di ba, talaga naman humihinto agad ang lindol matapos ang ilang minuto, o segundo pa nga?



Ano ang nasa isip ng lider na ito? Nais niyang ituring siyang propeta, ganun yun! (Sa totoo lang , sabi niya, siya na daw ang bagong Anak ng Diyos!).



Sino ang propeta? Ano ang misyon niya? Bakit mahalaga siya sa panahong ito ng paghahanda sa pagsilang at muling pagdating ng Panginoon?



Si Juan Bautista ang siyang tunay na larawan ng propeta ng Diyos.



Nangaral siya ng pagsisisi, hindi galit, para sa mga taong nais niyang maituwid at maligtas.



Itinuro niya, hindi ang sarili, kundi ang Panginoon na nagpadala sa kanya sa misyon.



Handa siyang maglaho kapag nariyan na ang Panginoon na makikipagtagpo sa kanyang bayan.



Ang kapangyarihan ni Juan ay hindi magsabi ng “Hinto!” sa kalamidad,



Kundi, “Hinto!” sa kasamaan, at “Sulong!” sa Panginoon na dumarating na.



Tinatawag ding “Kaibigan ng Lalaking Ikakasal” si Juan dahil dito. Inihahanda niya ang babaeng ikakasal (ang Simbahan) sa pagdating ng lalaking magiging kabiyak nito (ang Panginoong Hesukristo).



Ngayong Adbiyento, habang naghahanda tayo sa pagdating ng Panginoon sa buhay natin, at sa Paskong ito,



“ikaw” mismo ang Inaanyayahan ng Panginoon na maging isang propeta niya sa harap ng iba.



Ang daming taong naghahanap ng presensya ng isang magpapa-alala sa kanila ng pagmamahal ng Diyos,



… isang taong tambak ang problema



… isang depressed na kabataan



…isang dukhang nasa lansangan sa labas ng iyong bahay



…isang guard, janitor, driver na nasasalubong  mo tuwing umaga



…isang kasama mo sa bahay na kailangan ang pagmamahal at pagpapatawad



…isang matandang nag-iisa na sa buhay



at marami pang iba na malungkot sa panahong ito ng kagalakan!



Puwede ka bang maging propeta sa kanila at magsabi na



… “Hinto!” na ang iyong kalungkutan, narito ako sa tabi mo



… “Hinto!”na ang iyong pag-iisa dahil sasamahan kita



… “Hinto!” na ang mga luha, pangingitiin kita?



Hangad ni Hesus na maging propeta ka ngayon. Handa ka bang magsabi ng “Hinto!” sa iyong pagkamakasarili at buksan ang puso mo sa hamon na ito?





(paki-share sa mga kaibigan... God bless!)
-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS