ARKANGHEL SAN MIGUEL, SAN GABRIEL, AT SAN RAFAEL
SETYEMBRE 29
A. KUWENTO NG BUHAY
Ayon sa Bibliya, lumikha ang Diyos ng mga bagay sa lupa at sa langit. Sa lupa, nilikha ng Diyos ang mga halaman, hayop, at mga walang buhay na nilikha tulad ng tubig, bato, at hangin. Higit sa lahat, nilikha ng Panginoon ang tao, babae at lalaki.
Pero lumikha din ang Diyos ng mga bagay na para sa kalangitan. Ito ang mga bagay na hindi karaniwang nakikita ng ating mga mata subalit tunay na may buhay at may pag-iral sa harap ng Diyos.
Mahalaga sa hanay ng mga nilikha ng Diyos ang mga anghel. Sa Lumang Tipan pa lamang, ang mga anghel ay mga tagapagdala ng mensahe ng Diyos. Sila ay mga espiritu. Sila ay mga tagapangalaga ng mga tao. Sila din ang mga nilikhang nasa langit upang paglingkuran at purihin ang Diyos sa kanyang kaluwalhatian sa lahat ng sandali.
Ang mga “Arkanghel” ay mga anghel na may mas mahahalagang mensahe na dala sa tao mula sa Diyos. Sa kalendaryo ng pagdiriwang ng liturhiya, tatlong Arkanghel ang pinararangalan ngayon. Sila ay may titulong “San” upang ipakilala ang kanilang kabanalan, na sila ay tunay na sugo ng Diyos.
Karaniwang walang pangalan ang mga anghel sa Bibliya pero sa Lumang Tipan, ibinigay sa atin ang pangalan ng tatlong arkanghel na ating kinikilala ngayon.
Si San Rafael ay makikita natin sa Tobit 12:11-15, 18. Dito, isinugo siya ng Diyos upang pagalingin si Tobit at upang ibigay kay Tobias ang kanyang asawang si Sara. Ang pangalan ni Rafael ay may kahulugang “ang nagpapagaling na Diyos.”
Si San Miguel naman ay ipinakilala sa atin sa aklat ni Daniel 10:13, 21; 12:1. Dito, siya ang dakilang patron at tagapagtanggol ng bayang Israel. Ang kahulugan ng kanyang pangalan ay “kamukha ng Diyos.”
Si San Gabriel naman ang mensahero ng Diyos na nakilala sa Daniel 8:16, 9:21 at Lk 1: 19. Dala niya ng magandang balita ng pagsilang ni Juan Bautista, at ang pagsilang ng ating Panginoong Jesukristo mula sa Mahal na Birheng Maria.
Bagamat sinasabing may pitong arkanghel, tatlo lamang ang ibinigay na pangalan ng Bibliya sa atin. Bawal mag-imbento ng pangalan ng mga anghel na hindi ipinakilala sa Bibliya. Ipinagbabawal sa mga Katoliko ang paggamit ng mga pangalan ng anghel na kathang-isip lamang kahit na laganap sa kamulatan ng mga tao ang mga iba’t-ibang pangalang ito.
Ang pagpaparangal sa tatlong arkanghel ay papuri at pasasalamat sa Diyos na lumikha sa kanila at nagsugo sa kanila upang mabatid natin ang kalooban ng Diyos.
B. HAMON SA BUHAY
Ugaliin nating magdasal sa mga Arkanghel na ayon sa ating pananampalataya ay mga tagapagdasal din natin sa harap ng Diyos. May magandang panalangin para kay San Miguel na humihingi ng kanyang proteksyon para laban sa kasalanan at laban sa mga kaaway ng simbahan. Alamin natin at isapuso ang dasal na ito.
K. KATAGA NG BUHAY
Ps 102: 20
Mula sa itaas ng sanktuwaryo niya, tutunghay ang Panginoon, mula sa langit pagmamasdan niya ang lupa.
Comments