IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

 


BINGI AT PIPI, TAYONG LAHAT!

MK. 7: 31-37

 

fr. tam nguyen's photo
 

 

Habang umaawit ang mga bata sa school program, kapansin-pansin ang isang hindi lamang kumakanta kundi malikot na kumikilos ang mga kamay. Iyon pala, nakikipag-ugnayan siya sa mga magulang na nasa audience. Kapwa bingi at pipi ang mga magulang kaya nais ng batang ibahagi ang mensahe ng kanta sa tulong ng sign language.

 

Ang hirap siguro ng mundo ng mga bingi at pipi; tila may makapal na pader na humaharang sa tunog, tila may malapot na katahimikang nagbabawal magpahayag ng sarili. Ngunit binasag ng Panginoong Hesus ang pader na iyan upang makadaloy na malaya ang tunog at kinalag niya ang utal na dila upang malinaw na umawit at magpuri muli. Ito ang puso ng Mabuting Balita ngayon, ang buod ng kahanga-hangang himala ng pagpapagaling ni Hesus.

 

Paniwala ko, kinakausap din ng Mabuting Balita ngayon ang mga modernong bingi at pipi sa mundo natin. Kay daming bingi at pipi sa paligid. Hindi dahil ipinanganak silang ganun kundi dahil pinili nila iyon. Hindi dahil hirap magpahayag ng sarili kundi dahil sadyang walang pakialam. Ang pagiging bingi at pipi ngayon ay hindi depekto kundi isang depensa. Ayaw ng mga taong masangkot, makinig ng pagtatama, at tumalima sa ebanghelyo. Ayaw ng mga taong magsalita ng pang-gaganyak, pagpapala at paghilom sa kapwa.

 

Kung paanong ang bingi at pipi sa Bible ay naghihintay ng isang magbubukas ng saradong pinto, ang mga modernong bingi at pipi naman ay nagnanais makulong sa kanilang masikip na mundo. Hindi ba’t minsan tayo mismo ayaw nating buksan ang ating tainga at makinig sa mabuting payo, gabay at pagtutuwid? Hindi ba’t minsan mas gusto nating manahimik kahit alam nating kailangan ang ating tinig ng pagsuporta, pagkalinga, at pagmamahal?

 

Halina at hingin sa Panginoon na gamutin na ang pagkabingi natin upang hindi na umiwas sa mga bagay na kailangan nating marinig sa ating buhay. Hilingin din nating mahilom ang pagka-pipi upang makalaya sa pagtanggi nating magpatatag, tumanggap, at magpatawad ng ating kapwa. Tumugon tayo sa mga salita ni Hesus sa atin: “Efata, mabuksan ka.”

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS