IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

 


SINO ANG BOSS SA BAHAY?

MK 10: 2-16

 


 

Sabi ng isang kaibigan ko, payapa sa pamily nila, dahil ang mga babae ang nasusunod. Kapag nasunod ang babae at nakinig lang ang lalaki, tiyak, walang gusot. Sabi naman ng isa pang kumpare ko, sa kanila siya lang ang nasusunod at nilinaw niya iyan sa misis niya. At ito daw ang sikreto ng maligayang pagsasama nila.

 

Ang sabi naman ng Panginoon sa Mabuting Balita ngayon, ang tunay na sikreto ng masaya at nagtatagal at mabungang pagsasama ay kapag ang Diyos ang namumuno sa buhay may-asawa. Iyon bang batid ng mag-asawa na magiging tagumpay at maligaya ang lahat kapag lagi silang mulat na ang Diyos ay nasa gitna nila at gumagabay sa lalaki, babae at sa mga anak nila. “Ang pinagsama ng Diyos” – ito ang paalala na ang Diyos ang nag-uugnay sa buhay ng babae at lalaki sa lilim ng pagmamahal. Hindi ang kapalaran, o tadhana, kundi ang Diyos na nag-udyok ng pagmamahal sa puso ng isang lalaki at babae.  “Huwag paghiwalayin ng tao” – ito ay matinding paalala na ang paghihiwalay ay hindi dumadaloy sa plano ng Diyos kundi bunga ng mahina at matigas ng puso ng mga tao.

 

Hindi madali ang buhay may-asawa, alam ninyo iyan. Ito ay sakramento, misteryo. At ibig sabihin nito kung ano ang maganap sa buhay na ito ay nakakaapekto sa ugnayan ng tao sa Diyos. Ang may asawang tao na tapat sa kanyang panata ay tapat din sa Diyos. Subalit ang may asawang taksil sa kanyang panata ay tumatalikod din sa Diyos. Ang ugnayang batay sa tiwala at kalayaan ay isang salamin ng kabutihan ng Diyos, samantalang ang mapang-api at mapaniil na ugnayan ay hadlang sa sikat ng biyayang mula sa Diyos.

 

Para sa mga Katoliko, ang kasal ay hindi simpleng ugnayan ng tao kundi ugnayan din sa Diyos. Narinig na ba ninyo ang tradisyunal na kasal sa bansang Croatia? Sa Croatia, ang mga Katolikong ikinakasal ay nangangako sa isa’t-isa habang may hawak na krus. Ipinakikita nito sa kanila na ang kanilang sumpaan na maging tapat sa hirap at ginhawa, sa karamdaman at kagalingan, sa saya at dusa, ay panata din nila sa Panginoon. Pagkatapos ng kasal, ang krus na ginamit ng mag-asawa ay ilalagay sa altar sa bahay kung saan araw-araw, doon magdadasal ang mag-asawa at ang mga anak nila para sa iba’t-ibang biyayang kailangan nila. Dahil dito, kakaunti daw ang naghihiwalay sa bansang ito, kung meron man. Parang ang ganda tuloy gawin ito sa ating mga simbahan tuwing may kasal, ano po sa tingin ninyo?

 

Ipagdasal natin sa linggong ito ang lahat ng mag-asawa, lalo na ang dumadaan sa mga krisis sa kanilang ugnayan. Gayundin alalahanin natin ang mga nagbabalak mag-asawa para maging handa sa espirituwal na aspekto ng kasal. At huwag nating kalilimutan ang mga may-asawang nakaranas na ng hidwaan o pagkawasak ng kanilang pagsasama upang huwag silang mawalan ng loob at huwag magsawang lumapit sa Panginoon para sa liwanag, gabay at lakas.

 


 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS