IKA-24 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

 


KAILANGANG SUBUKIN

MK 8: 27-35

 

fr tam nguyen's photo

 

 

Minsan sa isang taon kung subukin ng kaibigan ko ang kanyang pananampalataya. Tahimik siyang nagninilay. Ano ang aking pinaniniwalaan? Kanino ako sumasampalataya? Paano ko isinasabuhay ang aking pananampalataya? Nakakatulong daw ito para makita niya kung nasaan na siya sa kanyang kaugnayan sa Diyos.

 

Iyan ang ginagawa ng Panginoong Hesus sa Mabuting Balita ngayon. Nagtatanong siya sa mga alagad ng simple subalit malalim, simple subalit personal, na tanong. Sino ba ako sa inyo? Alam kasi ni Hesus na maraming haka-haka sa paligid ukol sa kanya. Sikat siya at mahiwaga sa madla kaya ang daming sabi-sabi, palagay, reaksyon ng mga tao. Apektado siyempre ang mga alagad. O talaga nga bang mas kilala nila ang Panginoon kaysa mga balita at usap-usapan sa paligid?

 

Mahalaga para sa ating mga kasalukuyang tagasunod ng Panginoong Hesus na sagutin din ito. Sino ba ang Panginoon sa atin? Kailangan nating matuklasan ang kanyang buhay, mga salita, mga halimbawa, paanyaya, kapangyarihan at pagmamahal! Kailangang ma-angkin natin ang pananampalatayang pamana ng ating mga magulang, para magkaraoon tayo ng paninindigan, ng prinsipyo at gulugod sa pagsasabuhay ng ugnayan sa Panginoon.

 

Maraming mga Katoliko ang nawawala taun-taon. Karamihan napupunta sa mga sekta at born-again. Sabi nila: Hindi nila kilala ang Panginoon dati at ngayon personal na ang kanilang pagkakakilala sa kanya. Pero alam ninyo ba na maging ang mga born-again ay nababawasan din taun-taon? Hindi sila lumilipat sa iba,  kundi nawawalan silang tuluyan ng pananampalataya.

 

Minsan kasi kailangan ang isang hamon para magising tayong seryosohin si Hesus sa ating buhay. isang babae ang nag-asawa ng Iglesia ni Cristo member at lagi siyang dinadala nito sa pagsamba nila. Nakikinig siya pero pag-uwi iniisip niya ang kanyang Katolikong pananampalataya at aral. Sa bandang huli, hindi siya pumayag mag-convert. Sabi niya, sa Iglesia wala siyang naririnig kundi paninira sa mga Katoliko; sa Katoliko ang mensaheng naririnig niya ay pagmamahal, pagpapatawag, pagbibigay, at pagkalinga. Nanindigan siya para kay Hesus na Anak ng Diyos.

 

Isang lalaki naman ang pinilit na mag-convert ng kanyang amo sa Saudi Arabia. Ipinakulong pa siya sa gawa-gawang bintang. Doon minamaltrato ang mga hindi Muslim at ang lakas ng pressure na mag-convert. Pilit niyang inalala ang kanyang mga dasal, ang verses sa Bible, at mga debosyon. Pilit siyang kumapit sa pananampalataya kay Hesus.

 

Maganda sigurong subukin natin ang ating pananampalataya ngayon. Sino ba si Hesus para sa iyo? Gaano mo siya kilala, minamahal at sinusundan? Paano nababago ng pananampalataya mo ang buhay mo ngayon?

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS