IKA-WALONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON - A


IWANAN ANG ALALAHANIN SA BUHAY



“Tingnan ninyo ang mga ibon… pinapakain sila ng Diyos… at ang mga bulaklak… dinadamitan sila ng maganda…” (cf Mt. 6: 26, 28). Ibon ba ako? O bulaklak kaya?
“Huwag kang mag-alala kung ano ang iyong kakainin, iinumin, isusuot…” (cf. v.31). Bakit kaya sinasabi ng Panginoon na huwag mag-alala? Paano ako mabubuhay? Sino ang mag-aasikaso sa aking pamilya?

Naglalaro sa isip ko ang mga tanong na ito matapos kong mabasa ang Mabuting Balita ngayon. Tila bawal mag-alala at tila gusto ng Diyos na ituring ko ang sarili kong tulad ng mga bagay sa kalikasan. Magandang pakinggan subalit hindi yata praktikal.

Pero habang nagninilay muli, naunawaan kong hindi naman tayo pinagbabawalan na mag-ala sa buhay. Sa halip inaanyayahan tayo ng Panginoon sa isang mas positibo at mas mainam na pananaw sa buhay. Ayon sa Panginoon, anuman ang ating pangangailangan, at maging ang ating buong buhay, ay naka-ugnay sa Kaharian ng Ama. Ang Kahariang ito, kung tunay kong hahanapin, ang magbibigay liwanag sa mahalaga man o simpleng bagay ukol sa ating buhay. “Hanapin muna ninyo ang Kaharian ng Diyos…” (cf v. 31).

Hindi naman sinasabi ng Panginoon na maupo na lang ako sa bahay at maghintay ng pagkain, inumin at damit na ide-deliver sa akin. Kailangan kong magsikap din bilang kontribusyon ko sa paglago ng Kaharian ng Diyos sa mundo. Pero bilang taga-sunod ni Kristo at anak ng Diyos, ang dapat na unang pakay ko ay ang mapabilang sa Kaharian ng Ama, maging bahagi ng isang pakikipag-ugnayan na nag-uugat sa kanya na aking Ama. “Malilimutan ba ng ina ang kanyang anak… hindi kita malilimutan…” (cf. Isa. 49:15).

Tiyak na hindi kinakalimutan ng Diyos ang kanyang mga anak. Pero, tayo, kapag napalibutan ng pag-aalala at takot, nakakalimot tayo sa ugnayan natin sa Diyos. Nalilimutan nating sino ba talaga ang panginoon ng buhay natin.  Kapag marami tayong pera at bagay, nakakalimot tayo. Subalit ang Diyos ay hindi nakakalimot. Siya ang Amang mapagmahal sa lahat, maging sa anak, na matigas ang puso at suwail. Sa ating mga agam-agam, hindi tayo nakakatulog, umiinit ang ulo, apektado ang kilos. Kahit minsan makuha natin ang ating gusto, tila kulang lagi at malungkot pa rin.

Kay Hesus maririnig natin ngayon ang lihim ng tunay na kapayapaan, kagalakan at higit sa lahat, tiwala sa Ama. Kung sa materyal na bagay ang tuon ng ating puso, hindi natin ito matutuklasan. Kailangang maalala nating hindi lang tayo aksidente sa mundo kundi bahagi ng pamilya at Kaharian ng Diyos. Salamat at ipinaalala sa atin na bago ang lahat, tayo ay anak ng Diyos.

Panginoon, narito ako sa harap mo taglay ang lahat ng takot at alalahanin tungkol sa sarili, pamilya, pera, kalusugan at mga ugnayan ko. Alam mo po ang lahat ng aking kailangan. Alam mo din ang laman ng aking puso. Magsisikap ako pero mas higit akong magtitiwala sa Iyo at sa ugnayang alay mo sa akin… dahil ikaw ang aking Ama. Amen.

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

GOMBURZA: BAKIT MAHALAGA?

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS