KAPISTAHAN NG SANTO NIÑO (KABANAL-BANALANG PANGALAN NI HESUS)
MABUHAY SANTO NINO
Ang debosyon sa Santo Nino ay hindi bago. Halos sa simula pa
ng Kristiyanismo ay kinikilala na ang pagiging bata ni Hesus tulad ng makikita
sa mga sulat apokripal (ebanghelyo ni Sto. Tomas, halimbawa). Nagpakita daw ang
Batang Hesus kay San Jeronimo at kay Sta. Catalina ng Alexandria.
Ang buong mundo ay mulat sa pagiging magkalapit ng Batang
Hesus at ni San Antonio de Padua. Pero sa 16th century naging mas
tanyag ang debosyon sa Sto. Nino sa tulong ng espiritualidad ng mga Carmelites.
Laging dala ni Sta Teresa de Avila ang imahen ng Santo Nino sa kanyang mga
paglalakbay at naglalagay siya ng altar ng Santo Nino sa bawat bagong
monasteryo. Kaya nga itinuturing na ang Santo Nino ang tunay na tagapagtatag ng
bawat monasteryo ng Carmelites.
Nagpakita ang Batang Hesus kay Sta. Teresa sa hagdanan ng
monasteryo at ang sabi: “Ikaw si Teresa ni Hesus at ako naman si Hesus ni
Teresa.”
Bakit nga ba mahalaga ang debosyon sa Sto Nino? Kasi ang
pagiging bata ng Panginoon ay may malaking maituturo sa atin, lalo na sa pagiging
bata ng ating kaluluwa. Ibig sabihin nito ay iyong parang bata nating
isinasabuhay ang ating pananampalataya araw-araw, kinakalimutan ang sarili at
kumakapit lamang sa Ama sa lahat ng sandali.
Ang Batang Hesus ay unang una sa sabsaban, ay isang mahina
at marupok na tao. Siya ang makapangyarihang Diyos, pero naging mahina, naging
dukha na hindi man lamang makakilos sa sabsaban. Itinaboy siya ni Herodes. Hinayaan
niya na maging mababa at maliit upang yakapin ang ating pagiging maliit din. Nakabalot ng lampin, hindi siya
makaalpas sa sabsaban, tulad din ng sa darating na panahon, hindi siya makatakas
sa krus na kanyang pagpapakuan. Ang pagiging bata ng kaluluwa ay isang
paglalaan ng sarili sa Diyos na may tiwala at pagsuko.
(batay kay Fr. Alban Cras, FSSP)