IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY - A
ANG PAMILYA NG PASTOL
Isang bata ang naka-diskubre na
siya pala ay ampon lamang. Subalit sa halip na magtampo siya, inisip niya kung
gaano siya minahal ng kanyang mga magulang. Hanggang mamatay ang kanyang ama,
hindi niya naramdaman na siya ay kakaiba. At ang kanyang ina din, hanggang ngayon
ay patuloy ang pagmamahal sa kanya. Sa halip na magtampo, lalo siyang naging
mapagpasalamat sa maganda niyang kapalaran.
Ang ikalawang pagbasa (1 Juan
3:1-2) ay nagsasaad na umaapaw ang pag-ibig ng Diyos kaya tayong lahat ay
ginawa niyang mga anak: tayo ngayon ay anak ng Diyos…” kahit isinilang tayong
malayo sa kanya, inampon niya tayo. Naganap ito dahil sa pagsusugo niya sa
Panginoong Hesukristo bilang ating Tagapagligtas: “walang kaligtasan kaninuman
maliban sa kanya…” na gumawa sa atin bilang mga kapatid niya at anak ng Ama.
Ang Salita ng Diyos ngayon ay
nagpapatuloy ng kagalakan ng Pasko ng Pagkabuhay. Ang ating Muling Nabuhay na
Panginoon ang nagbukas ng tahanan ng Ama para tayong lahat ay makapasok sa
tulong ng Espiritu Santo.
Sa Ebanghelyo (Jn 10:11-18),
binabanggit ng Panginoong Hesukristo na siya ang Mabuting Pastol. Pero kahit
ang kawan ng tupa ay tila hindi naman niya itinuturing na mga alagang hayop
lamang. Sobrang pagiging malapit
niya sa kanila.”kilala ko sila at kilala nila ako… ibibigay ko ang aking buhay
para sa kanila.” Pati ang mga tupa
sa labas ng kawan ay mahal niya: “sila din ay aakayin ko, maririnig nila ang
aking tinig at magiging isang kawan sila, sa ilalim ng isang pastol.”
Para pala sa Mabuting Pastol, ang
kawan ang kanyang pamilya; siya ang puno at sila ang bahagi. Ginamit na larawan
ay mga alagang hayop pero ang kahulugan ay ang pag-ibig ng Diyos sa mga taong
kanyang inampon. Ipinararamdam ng Mabuting Pastol sa kawan na sila ay bahagi ng
kanyang buhay at sila ay mahal niya bilang kanyang pamilya.
Sa tulong ng Muling Pagkabuhay,
may bago na tayong kaugnayan sa Diyos. hindi galit at parusa, o pagtutuwid at
pangaral, o taguan at hanapan. Hindi ganyan ang pamilyang mapagmahal. Sa halip,
ito ay ugnayan ng malalim na pagkakaisa na gumagawa sa ating tunay na anak
kahit tayo ay makasalanan lamang. Ito ay ugnayan ng walang sawang malasakit
para sa ating lahat; ugnayan ng kagalakan dahil ang ating Pastol, ay kalakbay
natin at nag-aakay sa ating tungo sa yakap ng Ama.
Tulad ng aking kaibigan, magsaya
tayo dahil inampon tayo ng Ama sa pamamagitan ng Mabuting Pastol ng ating
buhay.