IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY A
ANG DIYOS NA
NAKIKISANGKOT
Normal lang malungkot kapag may
nawalang isang minamahal sa buhay. Ang dalawang disipulo ay malungkot na
nagluluksa pabalik sa Emmaus.
Normal lang masiphayo kapag ang
pag-asa ay bumagsak. Umasa sila sa Panginoon Jesus at ngayong namatay Siya sa
krus, sobra ang kanilang pangungulila.
Normal lang mailto kapag hindi mo
inaasahan o naiintindihan ang mga pangyayari. Sa pagkalito, hindi tuloy
nakilala ng dalawa kung sino ang kasabay nila sa lansangan.
Pero higit na normal para sa
Diyos ang makialam, makiisa, makisangkot kapag ang mga anak Niya ay malungkot,
nasiphayo at nalilito. Sinamahan
sila ng Panginoong Jesus dahil kailangan nila ng kasabay sa madilim na daang
tinatahak. Humabol Siya sa daan upang maging suporta at inspirasyon nila.
Buong tiyagang inakay ng
Panginoon Jesus ang dalawa upang makita nilang Siya ay nabuhay ngang muli,
makapangyarihan at kapiling nila muli. Matiyaga Niyang ipinaliwanag ang
Kasulatan. Matiyaga Niyang ipinagdiwang ang Hapunan na Kanyang itinatag. Buhay Siya at hindi patay!
Ganito makitungo sa atin ang Diyos. Sumasabay SIya sa ating sakit at hirap araw-araw. Kasama Siya sa landas na madilim habang dinadala tayo sa liwanag. Sa Eukaristiya o Banal na Misa, dama natin ang Kanyang Salita at ang Kanyang Katawan at Dugo ay siya nating lakas.
Kung nalulungkot, nalilito at nawawalang pag-asa, lumapit
kay Jesus, ang Diyos nating nakikisangkot sa lakbayin ng buhay. Kasama natin
Siya sa Eukaristiya at sa Simbahan ngayon.
Tulad ng mga disipulo, magiging tagapagpahayag din tayoo na
ang Diyos ay laging kapiling at tumutulong sa atin. Tulad nila, maging kasangkapan tayo ng pagpapahayag na hindi
nagpapabaya ang Diyos, na SIya ay nagpapagaling at nagtataas sa atin kapag tayo
ay nasadlak.