IKA-LIMANG LINGGO NG PAGKABUHAY
ANG DAAN
Totoo may lugar nga sa langit
para sa atin tulad ng sabi ng Panginoong Hesus sa mabuting balita ngayon (Jn
14: 1-12).
Totoo din na mismo ang Panginoon
ang maghahanda ng lugar na ito para sa ating lahat na sumasampalataya.
Kaygandang pangako para sa atin!
At eto na naman si Tomas taglay
ang kanyang mga praktikal na tanong. Di ba noong isang linggo lang, balisa siya
kung paano maniniwala gayong wala namang patunay: Hanggat hindi ko nakikita…
hindi ako maniniwala! Pero nang
dumating si Hesus, biglang nabuhay ang likas niyang pagiging praktikal:
Panginoon ko at Diyos ko!
Ngayon iba naman ang tanong ni
Tomas. Hindi siya duda na may mga silid sa buhay na walang hanggan at walang
duda rin na si Hesus ang siyang maghahanda nito para sa atin. Pero ang kanyang
bagong problema: paano po namin malalaman ang daan? Parang ito din ang tanong natin at salamat kay Sto. Tomas at
inunahan niya tayo.
Buong giliw na ginabayan ng
Panginoon si Tomas: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.” Ang daan pala ay hindi paraan ng
pagsasalita o pagkilos. Ang daan
pala ay si Hesus mismo, isang makabuluhang kaugnayan sa kanya.
Ang Pagkabuhay ay nagtuturo sa
atin tungkol kay Hesus sa paraan higit sa nagdaan. Si Hesus nga ang daan sa
Ama, ang daan sa pagpapatawad, ang daan sa kapayapaan, ang daan sa pagkakasundo
at pagkakaisa sa Diyos. Siya din ang daan upang makita natin ang ating sarili
na nauugnay sa kapwa tao. Walang ibang daan maliban sa ibinigay ng Ama at
pinagtibay ng Espiritu – si Hesus.
Ngayong panahon ng Pagkabuhay,
inaanyayahan tayong tuklasin ang daan na ito. Ito ang panahon upang suriin an
gating paglalakbay kasama ang Panginoon. paano ko ba minamahal siya? Paano ko
ba sinusundan siya?
Sa panalangin at mga sakramento,
sa Bibliya at sa Simbahan, sa paglilingkod at maging sa araw-araw na gawain at
mga sakripisyo, mas lalo ba akong napapalapit sa Panginoon?
May isang writer na katatapos
lamang sumulat ng aklat tungkol sa Panginoon Hesus – pero hindi bilang isang
scholar sa bible o sa history – kundi bilang talaan ng kanyang relasyon sa
Panginoon. maaaring hindi natin kayang sumulat ng ganito pero maganda pa rin
tingnan kung ano ang epekto ni Hesus sa ating buhay ngayon.
Wala nang mas practical pang
paraan na isabuhay ang Pagkabuhay ng Panginoon kundi ang suriin ang ating
sariling relasyon sa kanya. Gawin nating paglalakbay itong panahong ito upang
lalo siyang makilala.