IKALAWANG LINGGO SA PASKO NG PAGKABUHAY - LINGGO NG DIVINE MERCY
KAPAYAPAAN SA GITNA
NG AWA NG DIYOS
Sabihin mo sa natatakot:
Peace! Sabihin mo sa nalulungkot:
Peace! Ibulong mo sa nagdurusa: Peace! Ihatid mo sa pagod at bugbog na: Peace!
Ito na ang pinakatamang mga
salita, pinaka-nakalulugod na salita sa gitna ng mga pagsubok at kahirapan ng
buhay. At ito ang mga pinaka-makapangyarihan at pinaka-banayad na salita ng
Panginoong Jesukristo mula sa Kanyang Pagkabuhay. Ito rin ay mga epektibong
salita dahil tuwing bibigkasin ni Jesus, nagdudulot ito ng kapahingahan at
lakas ng loob.
Masdan mo kung paano bumalik ang
saya sa mga apostol. Tingnan mo kung paano naliwanagan ang mga disipulo. Hayan
si Tomas, na muling sumampalataya pagkatapos magduda. Ang kapayapaan ni Jesus
ay epektibo, malakas at makapangyarihan.
Ang kapayapaan ni Jesus ay regalo Niya sa atin ngayong Easter, regalong
kailangang kailangan nating marinig at maranasan.
Ano ang sikreto ng regalong ito
ng kapayapaan? Kasi po, ito ay nagmumula sa puso, sa mahabaging puso ni Jesus.
Narito si Jesus upang patawarin ang mga naduwag na alagad. Narito Siya upang
sabihing kakampi Niya silang muli. Narito Siya upang akayin sila mula sa
pagtatago patungo sa pagharap sa mundo na may galak.
May kapayapaan kapag alam nating
awa ang ibibigay sa atin kaysa galit, kapatawaran kaysa paghusga, pagyakap
bilang kapatid kaysa dayuhan o kaaway, kapag tinawag tayo upang hawakan ang
katawan ni Jesus at damahin ang kanyang pulso na dumadaloy sa ating balat,
ugat, puso at kaluluwa.
Ngayon ay Linggo ng Divine Mercy
o Dakilang Awa ng Diyos. An gating
Diyos ay katarungan, oo, at pag-ibig, oo din. Subalit para sa ating mga
makasalanan, Siya ay Awa – awa ng isang Ama, awa ng isang Kapatid, awa ng isang
Kaibigan.
Ngayon din ang araw ng
pagtatanghal sa dalawang bagong santo ng Simbahan, dalawang dating Santo Papa
na nagpadama sa atin ng awa ng Diyos – si Pope John XXIII at si Pope John Paul
II. Salamat sa Diyos sa dalawang
taong ito nG ating kasaysayan.
Hilingin natin na punuin tayo ng
kapayapaan ngayon upang maging kasangkapan tayo ni Kristong Muling Nabuhay ng
kanyang kapayapaan at pag-asa sa mundong naghihintay.