MALIGAYANG PASKO NG PAGKABUHAY NI KRISTO 2014!
ANG ARAW NG SORPRESA
NG DIYOS!
Tuwang tuwa ang mga anak kapag
may surprise ang kanilang magulang. Sigaw nila ay “Wow!” Sino ba sa atin ang ayaw ng
nakakatuwang surprise?
Noong Biyernes, isang lalaking
walang sala ang nabayubay sa krus.
Ang mga alagad ay nagtakbuhan sa takot sa mga kalaban. Ang kanyang Ina at
mahal na alagad ay napilitang masdan ang pagbitiw ng kanyang huling hininga.
Ang mga tagasunod niya ay nawalan ng pag-asa at kinabukasan. Sabado, parang
tumigil ang pag-ikot ng mundo, at nabalot ng kalungkutan ang kapaligiran.
Pero, biglang lumitaw ang pinamalaking
surprise ng Diyos. Si Jesus ay bumangon mula sa libingang kinasisidlan tungo sa
bago at walang hanggang buhay. Narinig ng mga alagad ang pinaka-magandang
salaysay ng buong kasaysayan – ang Panginoon ay totoo sa kanyang salita at siya
ay tunay na makapangyarihan! Lumakas muli ang kanyang Ina at mahal na alagad.
Ang mga tagasunod naman ay may pinanghahawakang mensahe na handa nang ipahayag.
Ang Sabado pala ay hindi dead-end.
Ito pala ay tunnel na nag-uugnay sa maningning na susunod na araw, sa araw
ng Panginoon. Wala nang iyakan, kundi Aleluya lamang, at ito ay dinig mula sa
lupa hanggang kalangitan!
Ito ang araw ng pinakamalaking
surprise sa lahat, kung kelan ang kamatayan ay nawasak na at bumalong ang
kaluwalhatian ng Diyos sa buong mundo. Si Jesus ay buhay at ang ibig sabihin
niyan ay seryoso ang Diyos sa pagmamahal sa ating lahat. Ang ibig sabihin nito
ay ang krus, na kagamitan sa pagsunod sa Panginoon, ay ginawa nang simbolo ng
buhay at pananampalataya. Ang ibig sabihin nito ay si Jesus ay buhay at kasama
natin lagi sa paglalakbay at pagkakamit ng tagumpay na tulad ng kanyang
tagumpay. Si Jesus ay may kapangyarihan sa buhay, nagbibigay buhay at nagbabago
ng buhay.
Ang Pasko ng Pagkabuhay ang
pinakamalaking surprise sa kasaysayan, na may dulot na pag-asa para sa lahat ng
nagbubuhat ng krus sa buhay ngayon. Dahil ngayon, sigurado tayo na ang Diyos ay
kakampi natin. Tulad ng bata, sigaw natin “wow” sa ating nasaksihan at
pinaniniwalaan. Hindi lang ang krus ang ating koneksyon sa Panginoon. Ang Pagkabuhay
ay mas matibay na koneksyon natin sa Anak ng Diyos na si Jesus!
Kung paanong marami tayong kwento
ng Biyernes Santo, mas marami tayong kwento ng Pasko ng Pagkabuhay. Alalahanin
natin paano tayo pinagaling ng Diyos, paano tayo nagkasundo ng mga kaalitan
natin, paano tayo pinatawad at pinalaya, paano tayo patuloy na sinu-surprise ng
Panginoon sa araw-araw.
Pasalamatan natin ang Panginoon
sa Paskong ito, ang araw ng surprise niya sa atin na kanyang minamahal! Maligayang Pasko po ng Pagkabuhay sa lahat!