ANG SANTO NGAYON: SAN BONIFACIO OBISPO AT MARTIR
HUNYO 5
A. KUWENTO NG
BUHAY
Kilala at lubhang iginagalang sa buong Germany ang
ala-ala ng santong si San Bonifacio, ang apostol ng Germany. Hindi siya mula sa bansang ito subalit
dito siya nag-alay ng kaniyang pagpupunyagi para sa kabutihan at kaligtasan ng
mga mamamayan doon.
Ipinanganak noong 673 si Bonifacio sa Wessex,
England. Ang kanyang unang edukasyon ay pinamahalaan ng mga Benedictines sa
kanyang sariling bansa. Pumasok siya sa monasteryo bilang isang mongheng Benedictine.
Nagliliyab sa puso ni Bonifacio ang damdaming
misyonero kaya humingi siya ng pahintulot na ipahayag ang Mabuting Balita sa
ibang bansa. Dahil dito, ipinadala siya bilang misyonero sa kautusan ni Papa
Gregorio II. pinalitan din ng Santo Papa ang pangalan ni Bonifacio, mula sa
orihinal na pangalang Winfrid sa bagong pangalang Bonifacio.
Naging matagumpay ang misyon niya sa Germany kaya
ginawa siyang isang obispo at inilagay sa kanyang mga kamay ang buong bansa
bilang kanyang nasasakupan. Diretso
siyang nagbibigay ng kanyang ulat sa Santo Papa.
Maraming sumapi sa simbahan dahil sa pangangaral ni
San Bonifacio. Pinilit niyang itatag nang matibay ang pundasyon ng simbahan sa
bansa. Naganap ito dahil maraming
tumulong sa kanya na mga monghe at mga mongha mula sa England.
Naging isang arsobispo si San Bonifacio at lalo
siyang naging masigasig sa pagtatayo ng mga bagong diyosesis. Nagtatag din siya ng maraming mga
monasteryo. Naging masigla ang
pananampalataya sa Bavaria, ang pinakamalaking rehiyon ng Germany, sa
Thuringia, ang gitnang bahagi ng bansa, at sa Franconia, dating lupaing sakop
ng mga Franks.
Bahagi ng kontribusyon ni San Bonifacio ay ang
pagtawag ng mga pagtitipon ng mga obispo at mga lider simbahan upang gumawa ng
mga hakbang sa lalong ikalalago ng pananampalataya. Dahil din sa kanya, napagtibay ang mga batas na ipinatupad
ng simbahan para maging pamantayan ng pagsasabuhay ng pananampalataya.
Habang naghahanda si San Bonifacio para sa Kumpil ng
isang grupo ng mga bagong kaanib ng simbahan, pinatay siya ng isang grupo ng
mga hindi Kristiyano noong taong 754. Namatay siyang kasama ng iba pang mga
martir ng pananampalataya. Inilibing siya sa monasteryo ng Fulda, kung saan
hanggang ngayon ay ginagawa ang mga pagpupulong ng mga obispo ng Germany.
B. HAMON SA
BUHAY
Si San Bonifacio ay nagmalasakit sa ibang bansa,
para sa ibang lahi, para sa ibang kultura. Maging handa tayong magpakita ng pag-ibig at mag-alay ng
sakripisyo para sa mga taong kaiba sa atin, sa lugar na malayo sa atin, sa
kulturang malayo sa ating kinagisnan.
K. KATAGA NG
BUHAY
Acts 26: 23
kailangang maghirap ang Mesiyas, at sa pagiging una
niyang bumangon sa mga patay, ipahahayag niya ang liwanag sa kanyang bayan at
sa mga bansa.