SINO SI SAN ROMUALDO ABAD
HUNYO 19
A. KUWENTO NG BUHAY
Sa Ravenna, isang lungsod ng
Italy, isinilang si San Romualdo sa kalagitnaan ng 10th century.
Nagmula siya sa isang pamilyang kinikilala at marangal ang pamumuhay.
Nagkaroong ng malagim na
karanasan si Romualdo sa kanyang pagkabata. Nasaksihan niya kung paano
nakapatay ng isang tao ang kanyang sariling ama habang may isang labanan. Naging
malakas ang dating nito sa batang si Romualdo na pumasok siya sa monasteryo ng
mga Benedictines upang ilaan ang sarili sa paglilingkod sa Diyos.
Napakaganda ng kanyang
pagsasabuhay ng buhay bilang monghe dahil sa kanyang maingat na pagsunod sa
lahat ng batas sa loob ng monasteryo. Naging mitsa naman ito ng galit at inggit
ng ibang mga monghe dahil sila ay pabaya sa sariling pagsasabuhay. Nagalit din
sila sa mga pagkakataong itinutuwid ni San Romualdo ang kanilang mga kamalian. Dahil dito, pinayagan si San Romualdo
na lumayo muna upang makapag-isa.
Nagka-inspirasyon naman si San
Romualdo na maglibot sa buong Italy upang magtayo ng mga monasteryo at ng mga
grupo ng mga ermitanyo. Samantala
hindi nabawasan ang kanyang paghahanap sa katahimikan at pag-iisa para sa
pagdarasall at sakripisyo. Lalong
naging masidhi ang kanyang pagsasanay ng sarili upang lalong lumago sa
kabutihan at sa buhay-kabanalan.
Dumanas ng isang malaking
pagsubok si San Romualdo nang maranasan niya ang espirituwal na tag-tuyot. Nang lumipas ang pagsubok na ito, humingi
siya ng pahintulot na sumama sa mga misyonero upang magpahayag ng Mabuting
Balita sa bansang Hungary. Hindi ito natuloy dahil sa tuwing magpa-plano siya
upang umalis ay nagkakaroon siya ng malubhang karamdaman. Tinanggap niyang
kalooban ng Diyos na hindi siya maging isang misyonero.
Pagbalik niya sa Ravenna, pinili
niyang maging isang ermitanyo at nagtayo siya ng isang grupo ng mga ermitanyo
na tinatawag na Camaldolese Order. Kinuha ang pangalang Camaldolese sa gubat kung
saan nanirahan ang mga ermitanyo.
May dalawang uri ng ermitanyo sa
grupong binuo ni San Romualdo. Ang una ay iyong maaaring lumabas ng kanilang
silid upang makipagdasal sa ibang kasapi. Ang ikalawa ay iyong talagang hindi
lumalabas ng silid nila at walang anumang kontak sa labas.
Dahil sa kanyang buhay ng
sakripisyo at sa paghahangad sa kabanalan, malaking tulong ang nagawa ni San
Romualdo upang ituwid ang mga maling gawain ng mga monghe nang panahong
iyon. At hanggang ngayon ang mga mongheng
Camaldolese ay patuloy na nagsasalarawan ng pananaw ni San Romualdo para sa
buong simbahan.
Namatay si San Romualdo nang siya
ay 100 taong gulang noong 1027.
B. HAMON SA BUHAY
Malaking inspirasyon na makatagpo
ng isang taong buo ang prinsipyo sa buhay tulad ni San Romualdo. Hindi siya
nakinig o naapektuhan ng sinasabi o ginagawa ng iba. Ang mahalaga sa kanya ay sundin ang tinig ng Diyos na
bumubulong sa kanyang puso. Pagkalooban sana tayo ng ganitong biyaya.
K. KATAGA NG BUHAY
Fil 3: 13-14
Hindi ko inaakala, mga kapatid,
na nakarating na ako; ngunit nililimot ko ang nasa likod ko at pinagsisikapan
ang mga hinaharap; at tumatakbo akong naghahanap ng gantimpala ng makalangit na
pagtawag sa akin ng Diyos kay Kristo Hesus.