IKA-12 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON B



BAKIT KA NATATAKOT?



Kuhang-kuha ng Mabuting Balita ngayon ang ating pagkatakot sa bagay na hindi natin alam. Ang mga alagad ay natakot mamatay sa gitna ng bagyo sa dagat. Si Hesus naman, ay tila walang pakialam sa unos, tulog na tulog na parang isang bata sa gitna ng malakas na hangin at ulan.

Ano ba ang sanhi ng ating takot? Ito ay ang ating insecurity o kakulangan ng katatagan sa buhay. Tatangayin ba ng baha ang aming barangay? Tatama ba sa ating bayan ang lindol? Okey lang ba ako na tumawid ng kalsada? Baka ipagpalit ako ng asawa ko sa mas bata at mas mayaman? Kaya ko bang mabuhay na mag-isa?

Kung secure tayo, kung matatag ang ating daigdig tayo ay payapa; ang buhay natin ay ligtas, ang kinabukasan natin ay nasa tamang direksyon, at lagi tayong magiging matapang at malakas ang loob.  Pero kalimitan, hindi natin talaga alam kung ano ang naghihintay sa atin sa banda pa roon.

Natagpuan ni Hesus ang kanyang katatagan sa kanyang Ama. Palagay ko hindi ito tiwala lamang sa kapangyarihan ng Ama na lupigin ang mga puwersya ng kalikasan. Hindi rin ito dala ng kasiguraduhan na ililigtas siya ng Ama sa bawat panganib.

Para kay Hesus, ito ay isang pagkabatid na mas personal, mas mulat, mas malakas. Walang takot si Hesus sa anuman dahil nakasalig siya sa dakilang pag-ibig ng Ama. Ang ibang mga bagay – mga pangangailangan, tirahan at pagkain, kaligtasan – ay naging pangalawa na lamang. Ang higit na mahalaga ay alam niyang mahal siya ng Ama sa isang malalim at tunay na paraan. Lahat ng takot ay natutunaw sa gitna ng ganitong banayad at mabuting pag-ibig.

Ngayong linggo, maglaan ng oras upang harapin ang iyong mga takot. Itapon mo sa harap ng krus ang mga ito. Ihagis mo sa harap ng altar habang nagsisimba ka. Itaas mo ang mga takot na ito sa Panginoon sa iyong pagdarasal. Isuko mo lahat sa tunay na nagmamahal sa iyo.

Maniwala ka, sapat na ang pag-ibig ng Diyos upang wasakin ang iyong mga takot sa buhay…

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS