IKA-13 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B
HAPLOS
Naniniwala tayo sa
“healing touch.” Hinawakan at hinaplos ni Hesus ang mga maysakit. Naglingkod
siya sa pamamagitan ng mapagmahal na haplos sa maraming maysakit, inaalihan ng
demonyo, at mahihirap na tao.
Narito ang Diyos na hindi nag-atubili na ilapit ang sarili sa kanyang
kapwa.
Sa Mabuting Balita, nakatutuwang masdan ang
isa pang “healing touch.” Ang babaeng maysakit ang humipo sa dulo ng damit ni
Hesus. Sa tingin ko, healing touch din ito. Nang gawin ito ng babae, dumaloy
ang kapangyarihan sa kanyang buhay mula sa tunay nitong pinagmumulan, ang
Panginoon.
Sa isang banda, si Jairo na ama ng batang
babaeng maysakit, ay humipo din sa Panginoon; hinipo niya ang puso ni Hesus.
Nang lumapit siya upang humingi ng tulong, hinipo niya ang Panginoon bago pa
man din haplusin ni Hesus ang bata at bigyan ito ng bagong buhay.
Tama, hinahaplos tayo ni Hesus. Subalit ang
mabuting balita ay kaya din nating hipuin ang Panginoon. kapag lumalapit tayo
sa kanya, nagdarasal sa kanya, nakikinig sa kanya, naninikluhod sa kanya,
sumusunod sa kanya, hindi ba hinihipo natin ang Diyos? at ano ang nasa likod ng
haplos na ito? Nandiyan ang pananampalataya, paninindigan, paniniwala, tiwala
at tatag na nakasalig sa kanyang pag-ibig para sa atin.
Sa paghipo kay Hesus, sinasabi natin:
Panginoon, nananalig ako sa Iyo!
Ikaw lamang ang makatutulong sa akin. Magagawa mo akong buo. Pakinggan
mo po ako. Halina sa aking buhay!
Nakikita natin ang maraming Katoliko na
pahipo-hipo at pahalik-halik sa mga imahen sa simbahan. Pero ang tunay na laman
ng paghaplos na ito ay ang pananampalataya na naglalagay ng ating buhay sa
kamay ng Diyos.
Ngayong linggo, huwag tayong matakot na
hipuin muli ang Diyos. nais niya rin tayong haplusin. Iwaglit ang takot, hiya,
pag-aalangan, at pagdududa. Buong pananampalatayang iabot ang iyong kamay kay
Hesus at tanggapin ang kapangyarihang nagpapagaling, tulad ng naramdaman ng
babaeng maysakit, at ang kapangyarihang nagbibigay-buhay tulad ng naranasan ng
batang babae.