IKA-14 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B



HUWAG TANGGIHAN ANG BIYAYA




Tila napakadali sa atin na mag-reject ng tao o ng mga bagay na hindi kaaya-aya sa atin. Minsan sa unang tingin pa lang, minsan naman dahil sa matagal na karanasan, ayaw natin sa kanila. Madaling mag-reject! Sa unang pagbasa, ang mga mamamayan ng Israel ay patuloy ang hindi pagtanggap sa Diyos at sa kanyang mga sugo, tulad ni Ezekiel.

Sa Mabuting Balita, ang mga kababayan ni Hesus ay nahirapang tanggapin siya dahil sobrang pamilyar sila sa kanyang pinagmulan at hindi nila matanggap kung ano siya ngayon (Mk. 6:1-6). Sa kapwa halimbawang ito, ang tinatanggihan ng mga tao ay kung ano ang tunay nilang kailangan, ang tunay na magbibigay ng biyaya sa kanila.

Tinatanggihan natin ang mga tao sa paligid natin kasi masyado tayong sugatan upang makilala ang kanilang tunay na halaga. Kita natin ang kanilang kamalian. Alam natin ang kanilang kakulangan. Ganyan ang nagaganap sa kasama natin sa trabaho, sa kasama natin sa dorm, sa kapitbahay sa kalapit na bakuran lamang. Minsan ay tinatanggihan din natin ang mga kasama sa bahay at ang kanilang payo o pagkalinga sa atin.

Pero sino nga ba tayo upang mag-reject ng kapwa? Tama, may mga kahinaan sila. Pero ganun din naman tayo a! Tinuturuan tayo ni San Pablo kung paano makalaya sa ganitong gawi natin. Tinatalakay niya ang isang “tinik sa laman” na nararamdaman niya sa kanyang sarili (2 Cor 12: 7-10). Dahil dito, napakadali niyang maunawaan ang mga “tinik” ng kanyang kapwa.

Tulad ng iba, hindi naman tayo perpekto. Maraming din tayong “tinik” na hindi katanggap-tanggap sa ibang tao, at maging sa Diyos. Pero, ang Diyos ay palaging handang tumanggap at yumakap sa atin. Ganyan ang pag-ibig ng Diyos sa Israel. Ganyan ang pag-ibig ni Hesus kahit sa mga kababayan niyang tumanggi sa kanya.

May mga tao bang hindi natin matanggap? O may mga bagay at pangyayari ba? Yakapin natin ang ugali ng Diyos at mabiyayaan ng grasya ng pagtanggap sa kanila. Baka ang mga taong ito o mga bagay at pangyayaring ito ay talagang ginagamit ng Diyos upang bigyan tayo ng pagpapala.


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS