BAGONG TAON: DAKILANG KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS




BAGONG SIMULA


Bawat Bagong Taon ay patunay na para sa Diyos, ang mundo ay hindi nagwawakas tulad ng ating pagkaunawa ng wakas, dahil ang pag-ibig niya ay hindi magwawakas. Ang buhay ay magpapatuloy sa kamay ng Diyos. Ang Diyos ay hindi Diyos ng wakas kundi Diyos ng simula. Diyos ng panibagong simula, bagong pagkakataon, pangalawang tsansa sa buhay. Ang Diyos ay Diyos ng pag-asa. Sa kanya, ang pag-asang magaganap pa ang mabubuting bagay ay hindi natutuyo kailanman.

Sa bagong taon, paalala sa atin ng Diyos na maganda lagi ang kanyang pakay sa ating buhay. Hinahamon niya tayong samahan siya na panibaguhin ang mundo at gawing bago ang lahat. Ito ang ating tungkulin, bilang mga Kristiyano, gawing bago ang lahat sa tulong ng katapatan natin sa Panginoon.

Sa Mabuting Balita, makikita nating dalawang mababang loob ang nakapaligid sa Batang Hesus. Dalawa silang kaakibat ng Diyos sa pagbabago ng kasaysayan. Si Jose na tahimik at masunurin ay laging matapat sa Diyos na sentro ng kanyang buhay. Si Maria naman, na ipinagdiriwang natin ngayon, ay buong pusong nag-alay ng sarili sa Diyos upang maligtas ang buong daigdig.

Kung ang ibang tao ay laging nakatutok sa wakas at kadiliman, sina Maria at Jose naman ay laging nakatutok sa bagong pangako ng Diyos. Tunay silang naging kasangkapan ng Diyos sa mundong unti-unting nalalason ng kawalang pag-asa.

Ngayon ay Bagong Taon, hindi wakas kundi simula. Ito ang pagkakataon upang salubungin si Hesus at ialay ang sarili sa pagbabago ng mundo, ng simbahan at ng sarili. Buksan natin ang puso sa pag-ibig ng Diyos. Ngayong taon, maging propeta nawa tayo ng pag-asa, kasangkapan ng pananampalataya, at buhay na patunay ng pag-ibig sa iba, sa tulong ng mga taong nakapaligid sa atin.

Hindi tayo nagsisimula sa takot o pangamba. Nagsisimula tayo sa panalangin at bendisyon ng Diyos. Walang makakasira sa atin. Walang makakapagpagupo sa atin. Bukasan ang puso sa basbas ng Diyos sa unang pagbasa (Bilang 6): Basbasan nawa kayo ng Diyos at ingatan! Ipakita nawa sa inyo ang kanyang mukha at maging maawain sa inyo! Tunghayan nawa kayo ng Diyos na may kabutihan at kapayapaan!

Mahal na Birheng Maria, Ina  ng Diyos, ipanalangin mo po kami!!!

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS