PAGNINILAY SA ARAW NG PASKO 2015
ITINAMA ANG NAGKAMALI
Naalala ba ninyo ito?: … and the winner is - Miss Colombia! …este Miss Philippines pala!
Kung may isang malaking
pagkakamali na naging paksa ng usapan bago mag Pasko, ito ay ang paghahayag ng
maling winner sa Ms universe 2015. Dapat Ms. Philippines, pero Ms. Colombia ang
nabanggit. At dahil nga nagkamali, ilang minuto lamang at binawi ang korona sa
gulat na gulat na Ms. Colombia at ipinatong sa ulo ng lalong gimbal na gimbal
na Ms Philippines.
Ang buhay sa mundong ay kakambal
ng pagkakamali. Natural na sa atin ang malito, madiskaril, magkamali. Sino at ano ang walang pagkakamaling
nagawa sa buhay niya?
Meron po kasing tinatawag na
human error, ibig sabihin talagang pumapalpak minsan ang mga tao.
Meron ding natural error,
halimbawa, kung may ipinanganak na kambing na dalawa ang ulo o manok na may
tatlong paa. Pati sa science at technology, may random error, method error at
instrument error kaya may mga gumuguhong building at nasusunog na appliances.
Sa mundong ito, sa buhay natin,
kakambal ang pagkakamali.
Pero ang pinaka-grabeng pagkamali
ay ang kasalanan. At dahil sa malaking pagkakamali na ito, ipinasya ng Diyos na
gawin kung ano ang tama, na akayin tayo sa tama, na ibalik ang mga tao sa tama.
Nangyari ang lahat ng ito nang isugo ng Panginoon ang kanyang Anak na si Hesus
upang maging liwanag ng ating buhay.
Sabi sa unang pagbasa: “Nakatanaw
ng isang malaking liwanag ang bayang malaon nang nasa kadiliman, namanaag na
ang liwanag sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.”
Sabi sa ikalawang pagbasa, pinagpala
ng Diyos ang ating mundo: “Inihayag ng Diyos ang kanyang kagandahang-loob na
nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Ito ang siyang umaakay sa atin upang
talikdan ang likong pamumuhay at damdaming makalaman.”
Ngayong gabing ito, ginawa ng
Diyos ang tama, ang pinakatama sa lahat ng bagay: ipinakita niya ang liwanag,
inihayag niya ang biyaya, isinilang ang tagapagligtas: sabi sa ebanghelyo: “Ito ang palatandaan:
matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa
sabsaban.”
Kung babalikan natin ang ating
buhay sa taong ito, hindi ba minsan nasasabi nating tila maraming nagaganap na
mali sa ating buhay? Maling-mali
na natanggal ako sa trabaho. Maling-mali na ngayon pa ako nagkasakit. Malaking
pagkakamali ang hidwaan at pagkakawatak ng ugnayan naming mag-asawa,
magkaibigan o magka-opisina. Mali
na niloko ako at iniwanan ng aking pinatiwalaan. Sa gitna ng mga pagkakamaling ito, naghahanap tayo ng susi
na magdadala sa wasto at magbibigay ng pagtatama sa ating buhay.
Pero minsan, gumagamit ang Diyos
ng mali upang lumutang ang tama. Dahil may naganap na mali sa buhay, naaalala
natin ang Diyos. Dahil sa maling pangyayari, kumakapit tayo sa Panginoon. Dahil
nagdurusa tayo sa pagkakamaling gawa ng iba, sinisikap nating bumagon at muling
buuin ang ating buhay.
Ang Pasko ang paraan ng Diyos
upang itama ang mali sa mundo natin. Itatama niya ang gusot sa hanapbuhay at
trabaho. Itatama niya ang nawasak ng pag-aaway at alitan. Itatama niya ang nasira
sa ating buhay dahilan sa ating kahinaan o dala ng ibang tao. Si Hesus ang
tugon ng Diyos upang itama ang kamalian ng mundong ito.
Iyan ang tunay na kahulugan ni
Hesus. Dahil sa Anak ng Diyos, maisasaayos natin ang ating kinabukasan. Kasama
siya, may pagkakataong muling magsimula. Siya ang kapangyarihang nagbibigay ng
inspirasyon sa ating buhay upang unti-unting bumangon at kumpunihin ang anumang
nangangailanan ng pagtatama.
Madalas sa buhay hindi lang sa Ms.
Universe, may pagkakamaling nagaganap. Pero hindi tayo mananatili sa mali dahil
hindi ito ang kalooban ng Diyos. Puwede pang itama upang maging maayos at
maaliwalas ang lahat. Mayroon tayong pag-asa. Mayroon tayong lakas ng loob.
Mayroon tayong biyaya!
Pakinggan nating muli ang anghel:
“Huwag kayong matakot! Akoy may dalang mabuting balita para sa inyo na
magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Sapagkat isinilang ngayon sa
bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Kristong Panginoon.”