IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO, K
UHAW SA KAHULUGAN
Malapit na ang Pasko at narito na
ang Simbang Gabi! Yung iba ay dadagsa sa simbahan para sa tradisyon,
samantalang marami din ang magtatanong: ano ba talaga ang kahulugan ng lahat ng
ito? Ano ba ang dapat kong gawin
pa? Paano ko mauunawaan ang kahulugan ng Pasko?
Ano ang dapat gawin? Tatlong bagay
ang mainam!
Una: ituon ang puso kay
Hesus! Maraming tuksong naglalayo
sa isip natin sa Panginoon sa panahong ito – dekorasyon at regalo, pamimili at
mga piging. Habang nagsisimbang gabi tayo, hanapin ang mensahe ni Hesus para sa
atin. Ang Pasko ay hindi lang isang tradisyon ito ay isang espiritwal na
karanasan para sa atin. Manaig nawa ang Panginoong Hesus. Ituon ang puso sa
kanya!
Ikalawa: ilaan ang puso sa
sakripisyo. Sa simbang gabi, kailangang ang commitment. Maagang gigising.
Pipiliting mabuo ang 9 na araw. Siyempre yung iba, 3 days pa lang, suko na! May
sakripisyo ang paghahanda sa Panginoon dahil ito ay pangako ng pag-ibig. Ialay
natin ang sakripisyo para sa ating mga pamilya, sa ating pagbabago, sa ating
bayan at sa ating paglago sa kabanalan. Ilaan ang puso sa sakripisyo.
Ikatlo: itutok ang puso sa pag-ibig. Bago ang Pasko, nais
natin ay mga regalo. Pero paano kung tayo kaya ang maunang mag-regalo? Lalo na
sa mga higit na nangangailangan sa paligid natin? Hindi mamahalin. Baka ngiti
at pagbati sa isang kaaway. Baka oras at tiyaga para sa isang kapamilyang
nalayo na sa atin? Itutok ang puso
sa pag-ibig.