DAKILANG KAPISTAHAN NG PAGPAPAKITA NG PANGINOON: EPIFANIA O TATLONG HARI
KALOOB AT MISTERYO
Pasko ang panahon ng mga regalo.
Ang tatlong pantas o tatlong hari ay may dalang handog sa Batang Hesus. Ang
Diyos naman ang nagbigay ng pinakadakilang regalo sa mundo- ang kanyang
kaisa-isang Anak, nakabalot sa lampin, simbolo ng kababaang-loob.
Ang pagsilang ni Hesus ay kaloob
ng Diyos sa mga taong naglalakbay sa kadiliman at nababalot ng makapal na ulap,
tulad ng sinasabi ni Isaias 60. Nais ng Diyos ang kalayaan ng kanyang bayan at
gusto niya silang gawing maningning na ilaw para sa lahat. Sa matagal na
panahon, ang alam lamang ng mga tao ay pagka-alipin at kahihiyan. Ngayon, ang
Diyos ang siyang nagpapabago sa kahirapan ng Israel at ginagawa silang
marangya, sa gulat at pagka-inggit ng kanilang mga kapit-bayan.
Sa Sulat sa mga taga-Efeso,
paliwanag naman sa atin na ang regalo ng Diyos ay isang misteryo, hindi
misteryong mahirap malaman. Kundi misteryong ibinunyag na, ibinahagi na upang
maramdaman ang pag-ibig. Ang pag-ibig ng Diyos ay isang misteryong dahan-dahang
binubuksan upang lalong malantad ang pagkatao ng Anak ng Diyos, ang ating
Panginoong Hesukristo.
Ang mga pantas sa Mabuting Balita
ay nagdala ng mga regalo subalit nang makilala nila ang tunay na Regalo ng Ama,
ang kanilang buhay ang nagbago. Ngayon handa na silang akayin ng Diyos sa
panibagong landas, iba sa dating tinatahak ng kanilang buhay bago nila
matagpuan ang Sanggol na Diyos na bahagi na ng kasaysayan ng mundo.
Dahan-dahan tayong nagpapaalam sa
Pasko, habang itinatabi na natin ang mga regalong natanggap natin. Hilingin
natin sa Diyos na ibunyag sa atin ang pag-ibig at malasakit ng mga taong
nagpakita ng pagpapahalaga sa atin. Nawa’y lagi natin din silang mahalin at
pahalagahan. Higit sa lahat, hilingin natin sa Diyos na maunawaan natin ang
tunay na kahulugan ng kanyang regalo, ang Anak niyang isinugo sa mundo. Naway
lagi natin siyang taglayin sa ating puso habang tumatahak tayo sa bagong landas
ng kalayaan at liwanag.
Salamat sa Diyos sa mga regalo at
sa misteryo ng pag-ibig.