DAKILANG KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK
ANG PAMILYA BILANG
MISTERYO
Ang pamilya ay bahagi ng isang
misteryo. Kahit ang Diyos ay nangailangan ng pamilya nang dumating siya sa
ating makasalanang mundo. Sa Mabuting Balita ay makikita nating maging ang
Banal na Mag-Anak ay hindi naligtas sa mga alalahanin ng isang pamilya.
Nagkaroon din sila ng mga problema tulad natin, halimbawa, nang mawala ang
batang si Hesus sa templo ng Jerusalem. Ang Panginoong Hesus ang unang naging
problema nina Maria at Jose, buti na lang at madaling natagpuan siya pagkatapos
ng ilang araw. Kahit na nawalay si Hesus samandali sa kanyang mga magulang,
bumalik siya sa pamilyang ito at naging masunurin, mapagmahal at matapat. Sa
pamilyang ito, lalong lumalim ang pusong madasalin ng Mahal na Birheng Maria.
Sa pamilyang ito naging lalong matapat na lingkod ng Diyos si Jose.
Ang pamilya ay importante sa
Diyos dahil ang Diyos din ay isang pamilya. Paano ba natin nakikilala ang
Diyos? Hindi ba, bilang Ama, Anak at Espiritu Santo? Hindi ba mga salitang
pam-pamilya ang mga ito? Ama-Anak, sa pamilya matatagpuan. Espiritu – ibig
sabihin ang diwa ng pagmamahal at pagkakaisa, mga damdaming bumubukal sa isang
tunay na pamilya.
Kaya bilang mga Kristiyano,
pinahahalagahan natin ang mga pamilya, pinalalago natin ang pamilya, inaalagaan
natin ang pamilya. Ang Simbahah, ang pamilya ng Diyos sa mundo, ay may mahalagang
misyon na ipagtanggol ang pamilya ngayon. Marami kasing naninira ng pamilya.
Nariyan ang diborsyo, pananakit, karahasan, kontrasepsyon, aborsyon at iba pa.
Pinupunit nito ang kagandahan ng pamilya. Ginagawa nitong mapanira ang pamilya
sa halip na mapagpalaya.
Walang perpektong pamilya mundong
ito, subalit, paalala sa atin ng Panginoon na gawing sentro ang Diyos ng bawat
pamilya upang matagpuan ang kapayapaan, pagkakaisa at kagalakan. Alalahanin
natin ang ating pamilya. Ipagdasal natin ang ating pamilya. Tulungan natin ang
ating pamilya upang makilalang lubog ang Panginoong Hesus na siyang Prinsipe ng
Kapayapaan.