IKA-APAT NA LINGGO NG KUWARESMA A
-->
PAGLALAKBAY
Noong nakaraang Linggo nagsimula
tayong magnilay sa mabuting balita ayon kay Juan sa tagpo ni Hesus kasama ang
babaeng Samaritana. Ngayon naman, ang tagpo ay si Hesus kasama ang lalaking
isinilang na bulag. Sa kanyang habag, iniligtas siya ni Hesus sa kadiliman.
Nagbunyi ang lalaki sa liwanag, kulay, at kilos na natuklasan niya sa mundo.
Pero hindi naman pala niya kilala
si Hesus na nagpagaling sa kanya. Kailangan pa niyang unti-unting lumago sa
pagkilala bago tuluyang maisuko ang buhay
niya at makasunod sa Panginoong Hesukristo.
Una, alam lamang niya na ang
“taong Hesus” ang pangalan ang nagpagaling sa kanya. Pagkatapos, naisip niya na
baka isa itong “propeta.” Saka napagtanto niya na “mula sa Diyos” ang sinumang
may ganitong habag at kapangyarihan. Sa huli, sa harap ni Hesus, natanggap
niyang siya na nga ang “Anak ng Tao, ang Anak ng Diyos.”
Ilan ang tulad sa atin sa bulag
na ito na handang maglakbay patungo sa mas malalim na pagkilala sa Panginoon?
Oo, kailangan niyang magbago ilang beses tungkol sa pagkakakilala niya kay
Hesus. Kailangan niyang isaayos ilang beses ang kanyang relasyon sa kanya base
sa kanyang natuklasan. Pero nang huli, sulit lahat dahil natumbok niya ang
tunay na pagkilala sa Panginoon. Hindi natin puwede mahalin ang hindi natin
nakikilala. Ang taong ito, sa wakas, may tunay na kaalaman at natanggap niya sa
puso ang kanyang Panginoon at Diyos.
Maraming Katoliko ang ayaw nang
maghanap, tumuklas sa Panginoon kasi sapat na raw ang alam nila. O wala naman
daw matutuklasan pang bago. Kaya nga kay daming ang pananampalataya ay nasa ulo
lamang. Ang pananalig nila ay katumbas ng sa isang batang nag-aaral pa lamang
ng katesismo. Samantala, marami ang nagsisimulang maglakbay upang hanapin si
Hesus, maging kaibigan siya, maging sentro siya ng puso nila. At maraming
Katoliko ang naglakbay sa labas ng simbahang kanilang kinamulatan.
Nais mo bang lumago sa
pananampalataya? Magdagdag ng galak, buhay, sigla sa iyong ugnayan sa
Panginoon? Ngayong Kuwaresma, maglakbay patungo kay Hesus, maglakad palapit sa
kanya sa tulong ng panalangin, sakramento, sakripisyo, pag-aaral, pakikinig,
pagbabasa ng Salita ng Diyos at mga debosyon. Maglakbay papalapit sa Liwanag ng
ating buhay!