IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA A
-->
ATUBILI PERO GUSTO
NAMAN…
Kahit ang mabuting balita ni
Mateo ang sinusunod natin sa taong ito, pinagninilayan natin ang ilang tagpo sa
mabuting balita ni Juan. Halimbawa ang Juan 4, kung saan nakatagpo ng
Panginoong Hesus ang babaeng Samaritana.
Kinakatawan ng babaeng Samaritana
ang mga taong nais tanggapin ang Diyos pero may natitira pang pag-aatubili bago
mabuksan ang puso. Gusto nilang mahalin ang Diyos pero nais muna nilang mawala
ang lambong na nakatakip sa kanilang mga mata. Hindi handa kasi may agam-agam.
May agam-agam kasi nasaktan. Nasaktan at kailangan ang paghihilom.
Ang unang pagtutol ng babae ay
ang hindi pagkaka-pantay ng Hudyo at Samaritano. Totoo naman kasing mababa ang
tingin ng mga Hudyo sa mga Samaritano na tinatawag nilang hindi purong lahi.
Hindi pinansin ni Hesus ang reklamo at sa halip inialay ang “tubig ng buhay” na
dala niya. Natuwa ang babae dahil pagod na siya kaiigib ng tubig.
Ang ikalawang pagtutol ng babae
ay ang kanyang nakaraan. Alam ni Hesus na lima na ang asawa niya at may iba na
naman ngayon. Tatanggapin pa kaya siya ng Diyos sa kabila ng lahat? Pero hindi
sinabi ng Panginoon, “Magbago ka muna at saka ka na bumalik.” Handa si Hesus
tulungan ang lahat ng nagkamali kapag nasa wastong panahon na. Ang mahalaga ay
tanggapin muna ang alok na pag-ibig.
Ang ikatlong pagtutol ng babae ay
ang lugar ng pagsamba. Para sa mga Hudyo, sa Templo, para sa mga Samaritano, sa
Bundok ng Gerizim. Matiyagang nagpaliwanag ang Panginoon na sa bandang huli ang
tunay na pagsamba ay magaganap sa puso at espiritu ng tao.
Muling tumutol ang babae at
ginamit naman ang pagdating ng Mesiyas. Siguro pagdating niya saka na lamang
siya maniniwala. Kaya tiniyak ni Hesus sa kanya: Ako na Siya! Ang daming
depensa at pagtutol! Pero nang gumuho ang lahat ng depensa ng babae, buong
galak na ipinahayag si Hesus sa lahat niyang mga kapitbahay.
Ano naman sa inyo? Anong pader
ang nasa pagitan mo at ng Diyos? Ano ang balakid sa pagtanggap mo sa kanya?
Dahil ba hindi ka karapat-dapat mahalin? Dahil ba magulo ang iyong nakaraan?
Dahil baka hindi ka mapatawad? Dahil naging napakasama mo na? Baka hindi ka
maunawaan ni Hesus?
Sa linggong ito, hinahabol tayo
ng matiyagang pag-ibig ng Diyos. Hindi niya pakay ang nakaraan mo. O ang mga
kasalanan. Kahit pa ang marami mong kahinaan. Ang nais niyang sabihin lamang ay
“mahal na mahal ka niya!” Simpleng mensahe pero totoo! Tanggapin natin siya.
Lapitan natin siya sa kumpisal, panalangin at sakripisyo. Naghihintay ang
kanyang pag-ibig!