IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA A
-->
ANG MAHALAGANG SALITA
Nangyari na naman! Sa bundok ng
Pagbabagong-anyo, narinig muli ng Panginoong Hesus and pinakamatamis na mga
salitang patungkol sa kanya. Anak! Minamahal kong Anak! Tiyak naalala niya ang
kanyang binyag sa Jordan kung saan sa unang pagkakataon, hayagan siyang tinawag
ng Ama bilang kanyang Anak. Napakagandang karanasan na ipagmalaki ng magulang
di ba?
Ang pagsang-ayon ni Hesus na
ialay ang buhay para sa kaharian ay dahil alam niyang mayroon siyang lugar sa
kahariang iyon. Laging kasama niya ang Ama. At laging katabi siya ng Ama. Wala
nang mas malugod pang karanasan kundi mahalin ang tunay na nagmamahal sa iyo.
Para kay Hesus, ito ang sentro ng lahat ng kanyang mga ugnayan, ang bukal na
pinagkukunan niya ng lakas para yakapin ang kapwa bilang mga kapatid niya.
Bakit nakikinig tayo sa mabuting
balita ito (Mt 17) ngayon? Kasi sa Kuwaresma, dinadala tayong muli sa kakaibang
karanasan nang tawagin tayo ng Diyos, ang Ama ni Hesus at Ama din natin, bilang
anak… minamahal na anak! Ang Kuwaresma ay pagsariwa sa binyag, upang huwag
nating makalimutan. Bininyagan tayo hindi para makapasok lang sa simbahan,
magkaroon ng pangalang Kristiyano, maging bahagi ng mga mananampalataya. Higit
sa lahat, sa binyag tayo unang tinawag ng Diyos sa ating pangalan, bilang
bahagi ng kanyang puso, ng kanyang buhay. Di ba, kaaya-aya ito?
Kamakailan lang isang Australian
filmmaker and bumalik sa Pilipinas para hanapin ang kanyang tunay na mga
magulang. Malaki na siya at malayu-layo na rin ang narating pero hindi kumpleto
ang kanyang buhay kung hindi niya matatagpuan ang unang mga tao na tumawag sa
kanya na “anak.” Nawala siya noon at nadala sa ampunan bago naiuwi sa Australia
ng pamilyang kumupkop sa kanya.
Dahil naalala ni Hesus ang
pag-ibig ng Ama, nakaya niyang harapin ang buhay na puno ng pananabik at lakas.
Dahil narinig niya ang tawag sa kanya ng Ama, buong tapang niyang matatanggap
lahat ng darating pa! Ang katatagan at tapang ni Hesus ang nais niyang ibahagi
sa kanyang mga alagad nang sabihin niya: Huwag kayong matakot!
Ang isang Kristiyano, ang anak ng
Diyos ay hindi alipin kundi manlulupig ng takot. Singtaas man ng bundok ang mga
pagsubok, singtigas man ng bato ang kasalanan, kahit tila mukhang imposible ang
mga pangyayari, hinihikayat tayo ng Panginoon na patuloy yakapin ang krus at
luwalhat ng buhay. Binyagan tayo, Kristiyano tayo, at tulad ni Hesus, ang unang
gabay at kaalinsabay natin ay ang Ama. Purihin Siya!