UNANG LINGGO NG KUWARESMA A

-->
WALANG KA DRAMA-DRAMA



Sa modernong kultura ngayon, ang hilig ng tao sa horror at sa katatakutan, sa kadiliman. Kay daming horror films na patok. Kay daming librong pang-exorcist ang dating. Kahit sa modernong buhay na pilit tinatanggal ang relihiyon sa lipunan, bakit tila yata nahihilig tayo sa kampon ng kasamaan?



Sa simula ng Kuwaresma, kasama tayo ni Hesus sa disyerto. Sabi ni Mateo (Mt 4:1-11), matapos binyagan, si Hesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin. Naghihintay doon ang demonyo para gambalain si Hesus, para sirain ang kanyang loob, at para ihulog siya sa matayog niyang prinsipyo.



Pam-pelikula ba ang dating ng demonyo sa disyerto? May lumilipad na mga mesa at silya, namamatay na ilaw, at halakhak na bwahahahaha!!!?  Tila sa mahalagang pagtatagpong ito ng Anak ng Diyos at ng demonyo, walang ganun. Panay tukso nang tukso nang tukso lang ang kaya ng demonyo. Hindi niya kayang hipuin o ibagsak ang Panginoong Hesukristo! Kaya lamang niyang maglahad ng tila simpleng mga tukso sa buhay.



Ganyan din sa buhay natin e, walang drama kung dumadating ang demonyo. Susunod-sunod lang siya sa atin na may paing mga tukso – na maging madamot, mayabang, malayo sa ating Diyos… at ito’y sa pamamagitan ng simple at maliliit na bagay sa ating salita at gawa.



Pinalalakas tayo at hinihikayat ng Kuwaresma na manindigan laban sa demonyo sa pagpuksa natin ng mga tuksong dumarating sa araw-araw. Simulan natin ang panahon ng mga sakripisyo, maliit at simple din lang, tulad ng pagsasabi ng “hindi” sa pasarap sa sarili, at pagsasabi ng “oo” sa tawag ng paglilingkod. Simulan nating magnilay muli sa relasyon natin sa Panginoong Hesus na dulot ng ating binyag.



Tinukso si Hesus pagkatapos ng binyag niya kaya tinutukso din tayo ng demonyo dahil nabinyagan na tayo, ibig sabihin, kabilang na tayo sa Diyos. At tulad ni Hesus na nagkalakas-loob dahil sa binyag, sa ugnayan niya sa Ama, manalangin tayong maging matagumpay laban sa tukso at kasalanan habang nagiging tapat sa ating pakikipagkaisa sa Amang nagmamahal sa atin nang ganap.


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS