IKA-LIMANG LINGGO NG KUWARESMA A

-->
ANG MAMATAY KASAMA SI KRISTO



Ngayong Kuwaresma, nagninilay tayo sa mabuting balita ni Juan sa loob ng tatlong linggo. Ito ang huling pagkakataon. At kaakit-akit ang mensahe ngayon. Ipinapakita sa atin na malapit si Hesus sa pamilya ni Lazaro at mga kapatid nito. May mga kaibigan pala si Hesus. At mahal niya silang tunay! Nakakatuwa di ba? Madalas nating isipin na kasama lang ng Panginoon ang mga alagad at matiyagang nagpapahayag at nagpapagaling sa Israel. Bihira nating maisip na may mga kaibigan pala siya at masaya siya sa piling nila!



Pero ito nga ang misteryo. Kung mahal ni Hesus si Lazaro, bakit pinabayaan niya itong mamatay? Bakit hindi siya maaga dumating, tulad ng sabi ni Marta? Kung pinagaling niya ang iba, bakit hindi ang kanyang maysakit na kaibigan?



Dahil nga mahal ni Hesus si Lazaro kaya hinayaan niya itong dumanas ng kamatayan. Ang kamatayan ang huling pagsubok ng pananampalataya. Nais ni Hesus na maging matatag si Lazaro at mga kapatid niya sa pagharap sa kamatayan. Sa nakaraang dalawang linggo, nagnilay tayo sa pananampalataya. Ang Samaritana ang simbolo ng mga hindi pa sumasampalataya sa Panginoong Hesus. Ang bulag naman ang simbolo ng mga bago pa lang nagsisimula bilang mananampalataya. Pero si Lazaro ang larawan ng taong nakipagbuno sa kamatayan dala ang kanyang pananampalataya.



Sino ba ang hindi takot mamatay? Maging ang pinakamatapang ay may kaba at panginginig bago mamatay. Maging ang mga santo ay naghirap ang loob sa harap ng kamatayan. Dahil niyayanig ng kamatayan ang puso natin. Paano kung walang Diyos? Paano kung walang buhay sa kabila? Ayaw nating mapunta sa lugar na walang kapayapaan at walang buhay.



Pinabayaan ni Hesus na mamatay si Lazaro upang maipakita niya ang kanyang kapangyarihan. Totoo nga, ang sumasampalataya ay hindi mamamatay. Ibig sabihin nito, malulupig natin ang kamatayan tulad ni Lazaro, at higit pa, dahil sa kapangyarihan ni Hesus. Ang Kuwaresma ay pagninilay sa binyag. Alam nyo ba na ang binyag ay “pagkamatay” kay Kristo upang mabuhay kasama niya? Maglaan tayo ng konting panahon upang tanungin ang sarili kung handa ba tayong mamatay sa bisig ni Hesus upang sa langit ay humimlay sa kanyang yakap?


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS