DAKILANG KAPISTAHAN NG PAGSILANG NG PANGINOON
-->
DAKILANG YAKAP
Matapos mapalayo nang matagal sa
probinsya, umuwi ang mga magpipinsan sa kanilang lolo at lola sa bukid. Sa
malayo, nakita nila ang matatanda na gumagawa sa gulayan, kaya’t tumakbo sila
para yakapin ang mga ito. Nagulat at natuwa ang mga matatanda pero nang
yayakapin na sila ay biglang tumanggi. “Naku huwag, pawisan kami at mabaho.
Ayaw naming madumihan ang magagara ninyong damit.”
Ang yakap ay isa sa mga
pinakamasarap, nakalulugod, at nakagaganyak na pagpapakita ng pag-ibig at
suporta. Hindi nating niyayakap kahit sino lamang. Bihirang mayakap mo ang
isang hindi mo kilala. Niyayakap lamang natin ang mga taong mahal, inaalala at
iginagalang natin.
Maraming tao ang hindi
nakakatanggap ng yakap. At maraming naghahangad na mayakap man lamang. Ang
pulubi sa tabing daan, ang palaboy sa kalsada, mga bata sa ampunan, matatandang
pinabayaan, mga bilanggo at mga nakaratay sa banig ng karamdaman – hindi kaya
ang mga ito ay naghahangad na minsan, may maka-alalang huminto, kumausap at
yumakap sa kanila nang buong pagmamahal?
Sa panahon ng Kapaskuhan,
inaalala natin ang pinakadakilang yakap o yapos na naranasan ng daigdig.
Niyakap ng Diyos, sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesus na Panginoon, ang
buong sangkatauhan na may ganap na pag-ibig at pagka-habag. Ang
Pagkakatawang-tao ng Panginoong Hesus, ang misteryo ng Diyos na naging tao, ay
isang matarik na misteryo, subalit ang kahulugan nito ay mauunawaan sa tulong
ng simpleng paghahalintulad sa isang yakap.
Tayo ay mga makasalanang
nagkakamali at hindi perpekto. Batid natin ang dumi at baho ng ating buhay.
Lantad sa atin ang ating kapangahasan. Tulad ng mga lolo at lola sa bukid, dama
nating hindi tayo karapat-dapat yakapin. Subalit sa kanyang kabutihan, sa
kanyang di-malirip na pagmamahal, iniunat ng Diyos ang kanyang mga bisig at
binalot tayo sa maka-amang pagtanggap at pagpapatawad.
Ang Paskong ito ay paalala na
bagamat hindi tayo karapat-dapat mapansin ng Diyos dahil sa ating paglayo sa
kanya, minarapat ng Panginoon na ipahayag sa atin ang pagmamahal sa pagyakap
niya sa ating buong buhay sa lupa (pagsilang, paglago, kamatayan), ang ating
pagdarahop bilang mga tao, upang balang araw makabahagi tayo sa kanyang
kaluwalhatian.
Maglaan tayo ng panahon na
magdasal at magnilay sa mga araw na ito, habang iniisip nating niyayakap tayo
ng Diyos sa anumang situwasyon natin ngayon. Pahintulutan natin siya at ibalik
natin sa kanya ang yakap, sa ating kahinaan at pagkukulang. Damahin natin ang
yakap na ito… at magbahagi ng isang Pamaskong yakap sa isang tunay na nangangailangan!
ISANG PINAGPALANG PASKO PO SA
INYONG LAHAT!