KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK B
JOHN AND MARSHA
“John and Marsha” ang tawag sa pinakasikat at pinakamahabang
komedya sa telebisyong Pilipino noong dekada 70 at 80. Matutunghayan dito sina
John at Marsha, mag-asawang may buhay na halos perpekto sa pagmamahalan,
pagkakaisa, at kaligayahan sa gitna ng mga pagsubok ng buhay. Gusto ng mga tao
ang palabas na ito dahil nasasalamin ang kanilang pangarap na buhay pamilya.
Ngayon, tila lahat ng pamilya ay
nais magpakita ng kanilang kaligayahan, pagkakalapit, at kagandahan. Sabi ng
isang sipi: “Sa Facebook, lahat ng pamilya ay perpekto.” Pero alam nating,
hindi ito totoo. Ang magkapulupot na mag-asawa ay biglang naghihiwalay. Ang mga
masasayang anak ay may selosan, away at tagisan ng impluwensya at kakayanan.
Bawat “perpektong” pamilya sa internet ay, sa tunay na buhay, pamilyang
nagsisikap sa gitna ng hiwalayan, kumpetisyon, galit, paglalayo, pagdurusa at takot.
Ang pamilyang Facebook ay isang pamilyang pang-“John and Marsha” lang.
Ngayon ipinagdiriwang natin ang
Kapistahan ng Banal na Mag-anak. Buti na lang hindi ito pista ng Perpektong
Mag-anak, kahit nasa gitna pa nito si Hesus. Sa Bibliya, ang pamilya ni Hesus
ay hindi ipinapakita na sagisag ng ganap na kapayapaan, kaligayahan at
pagpapala. Si Jose ay may mga alinlangan. Si Maria ay may mga takot. SI Hesus
ay hindi tinanggap ng lipunan sa kanyang pagsilang, tinangkang patayin ni
Herodes, at kailangang lumayo bilang dayuhan sa Ehipto. Ang buhay sa Nazaret ay
malayo sa katanyagan, kaluwalhatian at kapangyarihan. Ito ay buhay ng
katahimikan, kapayakan, at pagiging karaniwan.
Palagay ko, malaking inspirasyon
ito sa lahat ng pamilya. Walang masama kung hindi tayo ang perpektong pamilya,
tanyag na pamilya, kahanga-hangang pamilya, maunlad na pamilya, maligayang
pamilya. Ang mag-anak ay hindi nakikilala sa mga biyaya at tagumpay na
tinatamasa lamang. Ang mga tao ay nagiging pamilya sa isa’t-isa kung araw-araw nagsisikap
silang maging totoo at tapat, sa kabila ng mga pagsubok na dumarating sa
kanilang buhay.
Ang pamilya ni Hesus sa lupa ay
pamilyang “banal” at ito ang tawag sa lahat ng pamilya anuman ang situwasyon
ngayon. Sa ating mga sakit at pakikibaka, galak at tagumpay, kakulangan at
kahinaan, yaman at kakayahan, ang ating mga
“ups and downs,” dapat tayong manalangin at magsikap maging banal na mag-anak. Banal, hindi dahil santo tayong mga kasapi ng pamilya kundi banal dahil malapit sa Diyos, bukas sa Diyos, at masunurin sa Diyos.
“ups and downs,” dapat tayong manalangin at magsikap maging banal na mag-anak. Banal, hindi dahil santo tayong mga kasapi ng pamilya kundi banal dahil malapit sa Diyos, bukas sa Diyos, at masunurin sa Diyos.
Kailang mo huling ipinagdasal ang
iyong pamilya? Ngayon ipanalangin natin ang mga pangangailangan natin, higit sa
lahat, na ang ating pamilya ay maging banal.